SA Agosto pa magre-resume ang ilang mga programa ng GMA 7 base sa balitang nakuha namin mula sa isang taga-production.
Marami pa kasi silang inaayos bago makabalik sa taping, lalo na ang tungkol sa ilang artista ng network na mga menor de edad at senior citizen.
“Dapat sana ngayong July, e, hindi kaya kasi hindi pa tapos ‘yung mga nilalakad naming dokumento like sa Dole para sa mga menor de edad and seniors.
“Tapos ‘yung locations, siyempre inaalam ang lahat ng detalye, nag-ocular talaga. Dapat magkakalapit lang ang lugar.
“Kasi nga lock-in na lahat, hindi puwedeng uwian so lahat ‘yan inaayos talaga para walang maging legal problems,” tsika sa amin ng nakausap naming taga-GMA.
Tinanong namin kung paano ‘yung mga live shows ng network, “Sa studio naman kukunan ‘yun saka hindi lahat magkakasama ang artists, hahatiin every two weeks.
“Lock-in din, hinahanapan pa sila ng hotel na titirhan malapit dito sa GMA. Lahat ng artista bago magsimula ng shoot, ira-rapid test,” sabi sa amin.
Inalam din namin kung binago ba ang script ng mga Kapuso teleserye lalo na kung ang isa sa cast ay hindi na ina-allow mag-work base sa health and safety protocols mula sa Film Develoment Council of the Philippines, Department of Health at Department of Labor And Employment.
“As we speak, wala pang binabago at sa pagkakaalam ko, walang babaguhin. Ang inaayos talaga ay ang taping schedules,” paliwanag ng aming kausap.
Ilan sa mga teleserye ng GMA na natigil sa pag-ere ay ang Descendants of The Sun nina Dingdong Dantes at Jennylyn Mercado, Prima Donnas nina Aiko Melendez at Wendell Ramos at Love of My Life nina Coney Reyes, Mikael Daez at Carla Abellana.
Kami naman ang tinanong kung kumusta na ang ABS-CBN, napapanood naman daw nila ang hearing tungkol sa franchise pero ano raw ang feeling namin sa issue.
“Honestly, nakakalungkot kasi kahit na kakumpetensiya namin ang ABS, it’s a good competition. Magkakapatid pa rin sa industriya, and we also feel the pain na pinagdaraanan ngayon ng mga empleyado,” pahayag sa amin.