15 dialysis patient sinorpresa ni Willie; Kapuso stars sanib-pwersa para sa baby ni Tekla

 

HINDI lang isa kundi 15 dialysis patients ang binigyan ng tulong ng Kapuso TV host-comedian na si Willie Revillame.

Sa isang episode ng “Tutok to Win”, isang pasyente sa dialysis center ang natawagan ng Kapuso host para bigyan ng cash prize.

Nang malaman niyang kasalukuyang nasa dialysis center ito, hindi nagdalawang-isip si Willie na magbigay ng tulong para sa pagpapagamot ng misis nito.

Aniya, “Tulong natin sa kanila ‘yun. Ganyan lang ho ang buhay. Ito ang panahon para ho madinig natin, maramdaman natin, at importante ho maramdaman natin ang pangangailangan ng ating kababayan.”

Bukod diyan, tinulungan at binigyan din ng premyo ni Willie ang 14 pang passente na naroon din sa dialysis center.

* * *

Nagkaroon ng benefit auction ang Bubble Gang star na si Lovely Abella para makalikom ng pondo sa pagpapagamot ng anak ni Super Tekla.

Ang kinita mula rito ay ibinigay niya kay Tekla na kasalukuyang nagpapagamot sa anak niyang si Baby Angelo na isinilang na may anorectal malformation.

“Simpleng tulong para kay baby Angelo. May gamit ka na, nakatulong ka pa. May luxury and branded pero lahat authentic,” ani Lovely.

Tuluy-tuloy rin ang pagtulong ng iba pang Kapuso stars kay Tekla. Ngayong Martes, 8 p.m., magsasama-sama sina Ai Ai delas Alas, Julie Anne San Jose, Christian Bautista, Kyline Alcantara, Yasmien Kurdi, Ken Chan, Rita Daniela, Kristoffer Martin, EA Guzman, Betong Sumaya, Myrtle Sarrosa, Kim De Leon, Lexi Gonzales, Golden Cañedo, Garrett Bolden, Anthony Rosaldo, Hannah Precillas, Jeniffer Maravilla, Boobsie at Kim Idol para sa isang online fundraising concert, ang “One Heart for Baby Angelo.”

Sina Glaiza de Castro, Boobay, at Lovely Abella naman ang magsisilbing hosts nito.

Sa mga nais magpadala ng donasyon, maaari itong ipadala kay Romeo C. Librada via BDO (Account No. 007920062982) at via GCash (09771355040). Para sa mga nasa abroad, ang bank swift code ay BNORPHMM.

Panoorin at suportahan ang “One Heart for Baby Angelo” sa official Facebook pages ng GMA Network, GMA Artist Center, at YouLoL.

Read more...