NGAYONG araw magaganap ang final hearing sa Kongreso para sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Pagkatapos nito, boboto na ang mga kongresista kung bibigyan muli ang Kapamilya Network ng 25-year legislative franchise.
Sa kabila ng mga kanegahang ibinabato sa ABS-CBN, nananatili pa ring positibo ang mga artista at empleyado ng network na magpapatuloy pa rin ang operasyon nito.
Kabilang sa patuloy na nagdarasal at umaasang mare-renew ang prangkisa ng istasyon ay ang tinaguriang King & Queen of Hearts na sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Sa simula pa lang ng 2020 ay nakaplano na ang mga gagawing projects ng magdyowa sa ABS-CBN at Star Cinema ngunit nang dahil nga sa COVID-19 crisis at sa pagpapasara sa ABS-CBN, wala pang kasiguruhan kung ano ang naghihintay sa kanilang mga career.
Ayon sa KathNiel, hindi muna nila iniisip sa ngayon ang napurnada nilang mga proyekto, mas nais nilang pagtuunan ng pansin ang pakikiisa sa panawagan para sa pagbabalik ng kanilang mother network.
Natanong sina DJ at Kath sa “Star Magic Love From Home” fan session livestream nitong weekend kung anu-ano ba ang upcoming projects nila this year.
Anila, saka na raw muna sila magkukuwento sa mga proyekto nila, as mas mahalaga raw kasi ngayon ay ang problema ng mundo sa pandemic at ang ipinaglalaban na ABS-CBN franchise renewal ng mga Kapamilya stars.
Ani Kathryn, “I-look forward po muna natin na magkaroon ng cure (sa COVID-19).”
Dagdag ni Daniel, “Look forward din siyempre para sa prangkisa ng ABS-CBN. Bago tayo magplano, e, paano tayo magpaplano kung wala pa namang ABS-CBN?
“Maaaring wala kung hindi tayo bibigyan. E, di wala, di ba? So, look forward tayo sa mga positivity na mangyayari,” aniya pa.
Hirit pa ni Kath, “Sa daming nangyayari ngayon, bago kami, siguro kompanya. Maging okay muna ang status.
“Kapag nangyari iyon, tara, trabaho na tayo. Ang daming artista na miss na miss na magtrabaho.
“Ang daming fans at supporters naming lahat na gusto makita ang ABS back on TV,” chika pa ng Box-Office Queen.