‘Anti-terrorism law gamitin vs terorista hindi para sikilin ang karapatan ng ordinaryong tao’

Anti-terrorism bill

DAPAT umanong tiyakin ng otoridad na gagamitin nito ang Anti-Terrorism Act laban sa mga terorista at hindi ito gamitin upang sikilin ang karapatan ng mga mamamayan.

Ayon kay House committee on National Defense at Muntinlupa Rep. Rozzano Rufino Biazon hindi dapat magamit ang ATA sa pang-aabuso ng mga taong nasa kapangyarihan.

“As one of those who have been working closely with the anti-terrorism proponents, I congratulate our state security forces for achieving what they asked Congress for—-a stronger and more potent law against terrorists,” ani Biazon. “I would just like to remind them that their vigilance in employing the law should include ensuring that it is used only against terrorists, and with the highest regard for civil and political rights of law abiding citizens.”

Ayon sa batas na pinirmahan ni Pangulong Duterte kahapon, maaaring hulihin ng walang arrest warrant ang isang terorista at ikulong ito ng 14 na araw ng walang kaso at dagdag na 10 araw kung kakailanganin.

Inulit naman ni Magsasaka Rep. Argel Cabatbat ang kanyang panawagan na “walang sinuman ang nararapat magkaroon ng ganito kalawak na kapangyarihan, lalo na kung hindi dumaan sa mabusising proseso ang pagbuo ng mga probisyon at posibleng maabuso ang mga ito ng mga awtoridad at nasa posisyon.”

“Bilang isang biktima ng ambush na plinano at isinagawa mismo ng mga kabilang sa unipormadong hanay, naiintindihan ko ang pakiramdam ng ating mga kababayan na puno ng takot at galit sa mga sandaling ito. Kung maaaring markahan ang mga taong may kaunting impluwensiya, at kung hindi sinanto maski ang miyembro ng ating sandatahang lakas, mas malaki ang posibilidad na malagay sa panganib ang mga kababayan nating mahihirap, maliliit, at walang kalaban-laban.”

Paalala ni Cabatbat sa kanyang mga kapwa mambabatas na “bawat karapatang mababali, bawat kaso ng pagmamalabis, at bawat buhay na mawawala dahil sa pang-aabuso ng batas na ito ay habangbuhay naming papasanin sa aming konsensiya.”

Read more...