Block-time agreement ng ABS-CBN sa Amcara kuwesyunable

KINUWESTYON ng mga kongresista ang block-time agreement ng ABS-CBN Corp. sa Amcara Broadcasting Network upang patuloy na maipalabas ang mga programa nito sa TVplus.

Sa joint hearing ng House committee on Legislative Franchise at on Good Government and Public Accountability sinabi ni Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla ginamit ng ABS-CBN ang Amcara upang maikutan ang kapangyarihan ng Kongreso sa pagbibigay ng prangkisa.

“Ang lumalabas kasi rito may element po ng fraud against the legislative powers of Congress,” ani Remulla.

Ang Amcara ang may-ari ng Channel 43, ang digital channel na ginagamit sa pagpapadala ng television signal sa TVplus. Pinatigil na rin ito ng National Telecommunications Commission kamakailan.

Sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba walang equipment ang Amcara at ang ginagamit nito ay ang mga gamit ng ABS-CBN.

“Based on the results of the RNS video monitoring equipment we observed that there is an existing broadcast propagation on 6 megahertz band and the result of the measurement shows that the strong signal is emanating from the direction of ABS-CBN’s tower along Mother Ignacia Street, Quezon City,” ani Cordoba.

Hiniling ni Remulla sa komite na hingin ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) upang mag-imbestiga at tukuyin kung totoo ang resulta ng pagsusuri ng NTC.

Sinuportahan naman ni AnaKalusugan Rep. Mike Defensor si Remulla at iginiit na nais lamang nito na masunod ang batas.

Ayon naman sa ABS-CBN mayroon itong kasunduan sa Amcara upang maipalabas ang kanilang mga programa.

Wala umanong mali dito at ginagawa rin ito ng ibang may-ari ng prangkisa.

Read more...