NANGANGANIB na makumpiska ng pamahalaan ang P25.7 bilyon performance bond ng third telco player na Dito Telecommunity Corp. at bawiin ang radio frequencies na nakatalaga rito sakaling pumalya ito nang dalawang beses sa deadline ng kanilang technical launch.
Ito ay makaraang sabihin ng kumpanya sa pagdinig sa Senado kahapon na posibleng hindi sila makasunod sa July 8 deadline para sa kanilang technical launch, na nauna nilang ipinangako sa gobyerno bilang third telecommunications player ng bansa.
Ayon kay Dito chief administrative officer Adel Tamano, ang rollout ng kompanya ay hindi pa sapat dahil sa lockdowns upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.
“The COVID and the lockdowns have prevented us from our full rollout,” sabi niya sa hearing.
Paliwanag ni Tamano, bago ang July 8 deadline para sa technical launch ay may 1,300 cell towers nang naitayo ang Dito, kung saan 300 ay gumagana na, subalit hindi umano ito sapat para matugunan ang ipinangakong bilis at network coverage.
Ayon kay dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio. Jr., isa sa mga resource person sa hearing, magbibigay sa Dito ng dalawang anim-na-buwan grace period sa loob ng limang taon na commitment period.
Sa ilalim ng terms of reference, ang Dito ay maaari lamang pumalya sa targets nang dalawang beses. Kung hihigit pa rito ay makukumpiska ang kanilang P24-bilyon na performance bond at babawiin ang itinalagang radio frequencies sa kanila.
“Once the company hits Strike 3, the government can forfeit on its favor the P25.7-billion performance bond Dito paid before construction activities, a sizable amount meant to prompt the China-backed firm to fulfill its commitments on time,” sabi ni Rio.
“As far as I know, they [Dito] have not requested for any postponement of that commitment… But definitely they are saying they could not have the 1,300 finished by July 8…. If they cannot comply by July 8, then that is their Strike One,” aniya.
Sa technical launch ay susuriin ng regulators kung ang mga kasalukuyang pasilidad ng Dito ay sapat upang matugunan ang mga ipinangako na nakasaad sa ilalim ng government licenses na nakuha ng kumpanya. Para sa 2020, ang target ay itinakda sa maximum Internet speed na 27 Mbps sa 37 porsyento ng populasyon ng bansa.
Ang Dito ay inatasang magtayo ng 2,500 cell towers pagsapit ng Hulyo 8.
“We have 1,300 towers in construction, 300 of them are already live and it is our plan that within this year 2,000 towers will be completed,” sabi ni Tamayo.