NAPANOOD namin ang ikatlong episode ng “Iba ‘Yan” hosted by Angel Locsin sa Jeepney TV nitong Linggo.
Napahanga kami talaga ng aktres dahil hindi lang siya basta naghahatid ng tulong sa mga nangangailangan kundi sinusubukan din niyang maranasan ang klase ng pamumuhay ng mga kababayan nating nasa malalayong lugar.
Nakakakuwentuhan namin ang mga kaanak at kaibigan naming nasa ibang bansa at napanood nga raw nila ang Iba ‘Yan at totoo nga, “iba talaga si Angel Locsin.”
Pero heto nga, dahil muling nag-isyu ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission o NTC kahapon para ipahinto ang digital TV transmission sa Metro Manila ng ABS-CBN.
Apektado rito ang gumagamit ng TV Plus o black box na naglalaman ng Kapamilya channels tulad ng KBO, Teleradyo, Jeepney TV, Yey!, Asianovela Channel at CineMo.
Isa lang si Angel sa nagpahayag ng pagkadismaya sa nangyayari sa Kapamilya network ngayon. As expected, hindi naman ang sarili niya ang iniisip niya kundi ang mahigit 11,000 empleyado ng ABS-CBN na mawawalan ng trabaho sa Agosto kapag hindi naaprubahan ang prangkisa nito.
Post ni Angel sa kanyang Instagram nitong Martes ng madaling araw, “Kanina pumara ako sa harap ng ABS nu’ng nabalitaan ko ang posibleng pagtigil sa TV Plus at Sky.
“Eto na naman ‘yung pakiramdam na maiiyak ka na lang. Sana may option na pwede kang mamili kung saan pupunta ang binabayad mong tax. To my ABS family, hang in there (heartbroken emoji),” aniya.
Samantala, tuloy pa ring mapapanood ang mga programa ng ABS-CBN tulad ng “Iba ‘Yan,” “Paano Kita Mapapasalamatan,” “Love Thy Woman”, “Magandang Buhay”, “It’s Showtime”, “ASAP”, “Ang Probinsyano” at iba pa sa cable iWant, SatTV at YouTube.
“Kapit lang Kapamilya malalampasan natin ito,” ito ang nagkakaisang pahayag ng lahat ng loyal viewers ng ABS-CBN.