Allan K kailangan ng bilyong pisong pondo para ipaglaban ang Klownz, Zirkoh

MALAPIT sa aming puso ang Zirkoh Comedy Bar.

 Bukod sa mahal namin sina Lito Alejandria at Allan K, ang mga may-ari, ay ang produksiyon namin ang nagbinyag sa lugar sa pamamagitan ng concert ni Piolo Pascual.

    Lubog ang kahabaan ng Tomas Morato dahil sa pananalasa ng bagyong Ondoy, kinailangan naming iurong nang dalawang linggo ang concert ni Piolo, markado sa amin ang Zirkoh.

    Pagkatapos nang mahigit na isang dekada ay nagbaba na ang telon ng comedy bar. 

Pormal nang inanunsiyo nina Lito at Allan K ang masakit sa dibdib na pagsasarado sa kanilang negosyo.

    Pati ang kapatid nitong comedy bar na Klownz ay sarado na rin. Matinding naapektuhan ng pandemya ang bar na nagsisilbing gamot sa ating kalungkutan dahil sa magagaling nilang stand-up comedian.

    Wala silang pamimilian. Sa linya ng pagnenegosyo ay ang comedy bar ang nasa bandang huli ng listahan para muling magbukas dahil sa social distancing.

    Tatlong buwang nagsarado ang dalawang bar, tuloy ang bayad nila sa renta ng lugar na daang libo ang halaga, kailangang may bilyong pisong pondo sina Allan K at Lito para ipaglaban ang kanilang pagbabalik.

    Nakalulungkot lang dahil nagsilbing tagapagpasaya ng ating mga kababayan ang dalawang bar. 

Parang walang problema sa mundo kapag nandu’n ka, puro halakhakan ang maririnig sa paligid, dahil sa kanilang mga komedyanteng parang wala nang bukas pa kung magpatawa.

    Kailangan nilang harapin ang katotohanan na masakit man ay dapat silang magpakatotoo. 

Hindi lang naman ang Zirkoh at ang Klownz ang nagsarado, marami pang ibang malalaking negosyong tumapos na rin sa kanilang kasaysayan, wala talaga tayong magagawa habang nandiyan pa ang salot na nagpapahirap sa buong mundo.

Read more...