MULING umapela ang TV host-comedian na si Vice Ganda sa mga kongresista na pakinggan naman ang panawagan at hinaing ng mga empleyado ng ABS-CBN.
Ito’y sa gitna ng patuloy na pagdinig ng Kongreso sa franchise renewal ng Kapamilya Network matapos ipatigil ang operasyon nito sa bisa ng cease and desist order mula sa National Telecommunications Commission (NTC).
Ayon kay Vice, sana’y maawa naman ang mga congressman sa libu-libong empleyado ng ABS-CBN na nawalan at mawawalan pa ng trabaho matapos ipasara ang istasyon.
Ipinost ng It’s Showtime host sa Twitter account ang video ng isang empleyado ng network na nagpakita ng kasalukuyang sitwasyon nila habang walang trabaho dulot ng pagsasara ng pinapasukang TV station.
“Nananawagan kami sa inyo mga Kongresista. Pakinggan nyo pa ang boses nya na punong puno ng lungkot, pangamba at pagmamakaawa.
“Mahabag po kayo sa kapwa nyo mga Pilipino. Magkakababayan po tayo. Wag nating gipitin ang isa’t isa,” ang mensahe ni Vice sa kongreso.
Kasabay nito, nanawagan din ang komedyante sa kanyang fans at social media followers na huwag mapagod sa pagsuporta sa ABS-CBN at ipagpatuloy lamang ang laban para sa pagbabalik sa ere ng kanilang “tahanan.”
“Kailangan namin ang suporta ninyo mga Kapamilya. Wag nating hayaang magdusa ang mga pamilya ng mga tuluyang mawawalan ng trabaho,” sabi pa ni Vice.