BATA pa lang ay talagang sinubok na ng iba’t ibang hamon sa buhay ang Kapamilya actress na si Kim Chiu.
Naikuwento ng dalaga ang ilang pinagdaanan niya sa buhay habang nagdadalaga sa nakaraang episode ng “Paano Kita Mapasasalamatan” hosted by Judy Ann Santos.
Walong taon pa lang si Kim ay naghiwalay na ang parents niya. Nagdesisyon ang nanay niya na iwan ang kanyang ama nang malaman nitong may iba pa pala itong pamilya.
Inalala ng dalaga ang pagpapalipat-lipat nila ng tirahan noong bata pa siya matapos malugi ang negosyo ng ina. Mula sa Tacloban City, lumipat sila Cebu hanggang sa mapunta na sila sa General Santos at lumipat uli sa Cagayan de Oro.
“Meron kaming tindahan. May store kami and nagkaroon lang ng problema sa mama ko. And then na-bankrupt kami,” naluluhang pahayag ni Kim.
Nagbago lang ang takbo ng buhay niya at ng kanyang pamilya nang sumali siya at manalo sa Pinoy Big Brother Teen Edition.
Fast forward: Nang makapasok na sa showbiz, hindi rin naging madali para sa kanya ang marating kung nasaan man siya ngayon. Talagang pinaghirapan at pinagsikapan niya ang estado niya ngayon sa industriya ng telebisyon at pelikula.
Nito nga lang mga nakaraang buwan ay muling sinubok ang katatagan at katapangan ni Kim matapos masangkot sa sunud-sunod na kontrobersiya. Matindi ang mga isyung kinasangkutan niya kaya feeling niya tine-test ni Lord ang faith niya.
“Minsan, nati-test lang na, ‘Ano ba yan? Lord, ako na naman?’ So, parang mapapatanong ka na lang, ‘Bakit ako lagi?’
“Siguro, siyempre mapanghihinaan ka ng loob. Titigil ka sandali kasi nakakapagod din.
“So, wala, tumigil ako sandali, mga dalawang araw. Pero hindi ako tumigil mag-rosary. Pero, hindi, tumigil lang ako makipag-usap,” pahayag ng dalaga.
Patuloy pa niya, “Di ba, parang sunud-sunod? Walang hingahan. So wala, naisip ko, punta na lang ako Canada. ‘Okay na tayo, tara na, alis na tayo sa mundo… sa Pilipinas, ang gulu-gulo,’ ganyan-ganyan.
“So, nandu’n na ako sa point na yun, ‘Ok na, tara na. Hindi ko sila kayang talunin.’ Paano ba? Wala, e. Ang lakas-lakas nilang lahat. Tapos ako lang mag-isa,” aniya pa.
Pero sa kabila ng lahat, napatunayan ni Kim na hindi natutulog ang Diyos dahil sa kabila ng lahat, buhay na buhay pa rin siya at patuloy na inuulan ng blessings.