2 AFP officer, 2 kawal patay sa engkuwentro vs. PNP sa Sulu

APAT na miyembro ng Armed Forces, kabilang ang dalawang opisyal, ang napatay nang makipagbarilan umano sa mga pulis sa Jolo, Sulu, kaninang hapon.

Ang mga nasawi’y may mga ranggong major, captain, sergeant, at corporal, sabi ni Lt. Gen. Cirilito Sobejana, hepe ng AFP Western Mindanao Command.

Naganap ang insidente sa Sitio Marina, Brgy. Walled City, dakong alas-2:40.

Inulat ni Maj. Jemar delos Santos, tagapagsalita ng Bangsamoro regional police, na nagpapatrolya ang mga miyembro ng Jolo Police at Sulu Provincial Drug Enforcement Unit sa Brgy. Bus-Bus, nang mapansin ang apat na armadong sakay ng isang Mitsubishi Montero.

Sinita aniya ng mga pulis ang apat, at nagpakilala naman ito bilang mga miyembro ng Armed Forces.

Dahil dito’y inimbitahan ang apat sa Jolo Police Station para maberipika.

Sa ulat ng regional police, sinasabi na nang makarating sa istasyon ay bigla umanong pinaandar ng apat ang kanilang SUV patungong Brgy. San Raymundo, kaya hinabol ng mga pulis.

Bumaba naman ng SUV ang apat, dala ang kanilang mga baril, at itinutok ito sa mga pulis, ayon sa ulat.

“However, before they could pull the trigger, the PNP personnel were able to shoot them in defense, thus an exchange of gunfire ensued which resulted to the death of the four,” sabi sa ulat.

Pero ayon kay Sobejana, hindi pa malinaw kung bakit talaga pinaputukan ng mga pulis ang apat na sundalo, na pawang mga may official mission sa Sulu.

“Ang masasabi ko ay there are several versions. So, very sketchy as of now.”

“Kung ano man ang dahilan bakit binaril ng pulis ay ‘yun ang pinaiimbestigahan ko pa. Ang sigurado lang, itong apat na sundalo ay ginagawa nila ‘yung kanilang trabaho, as reported by 11th Infantry Division.”

Ayon kay Sobejana, hiniling na niya sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng pagsisiyasat.

“Ni-request ko na sila na mag-imbestiga para ma-uphold natin ‘yung impartiality, mailabas ‘yung facts at mabigyan ng hustisya ‘yung apat na sundalong namatay.”

Inaasahang darating ang mga miyembro ng NBI sa Jolo bukas ng umaga, ayon sa military official.

Nagpahayag si Defense Secretary Delfin Lorenzana ng kalungkutan sa insidente, pero tumangging magbigay ng karagdagang pahayag.

“Very unfortunate incident, no additional comment muna while inquiry is ongoing. The NBI [from] Zamboanga will conduct inquiry,” sabi ng kalihim sa mga reporter.

Read more...