UMABOT sa 16,000 pamilya at 1,882 military frontline workers ang natulungan ng donasyon ng mga kongresista na kinuha mula sa kanilang suweldo.
Mga gulay, manok at isda ang binili at ipinamigay ng Kamara sa 4,500 pamilya sa mga piling Muslim community sa Maynila, 1,882 military frontliners mula sa Armed Forces of the Philippines-Joint Task Force National Capital Region, 8,882 tricycle driver sa ikalawang distrito ng Quezon City at 2,598 pamilya na naapektuhan ng special lockdown sa ika-anim na distrito ng Quezon City.
Nagpasalamat si House Speaker Alan Peter Cayetano sa suporta ng kanyang mga kapwa kongresista.
“What we want to do is to encourage others to keep helping. Many of our kababayans need help, so ‘wag po tayo magkakaroon ng donor’s fatigue, ‘wag po tayong magsasawa – anything, pwede nating maitulong,” ani Cayetano sa kanyang speech ng i-turnover ang mga donasyon sa Brgy. Batasan sa Quezon City.
“Tama na magsama-sama, tama na magtulungan, tama na magbigkis-bigkis, mali ang makipag-away lalo sa panahon ng COVID-19.”
Sa mga susunod na linggo ay magkakaroon ng out reach program ang Kamara sa mga barangay sa Quezon City, Bulacan at Cebu.