MISMONG si Bossing Vic Sotto na ang nagreto kay Pasig City Mayor Vico Sotto kay San Manuel, Tarlac Mayor Donya Tesoro.
Umulan ng tuksuhan sa live episode ng Eat Bulaga kahapon nang maging bahagi si Mayor Donya ng “Bawal Judgmental” segment kasama pa ang ibang alkalde mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mga mayor nga ang humarap sa celebrity contestant na si Gardo Versoza sa “Bawal Judgmental” bilang mga choices.
Sa isang bahagi ng segment, kinumusta ng mga Dabarkads na sina Jose Manalo at Paolo Ballesteros ang lovelife ni Mayor Donya.
Sabi ng bata at magandang alkalde ng San Manuel, wala raw siyang boyfriend ngayon. Aniya, parang wala naman daw nagkakagusto sa kanya.
“Ano po ang type niyong boyfriend?” hirit na tanong ni Paolo kay Mayor Donya.
“Ako kasi hindi naman ako particular sa looks eh. Basta hindi babaero. Siyempre ‘yung maiintindihan din ang trabaho ko,” tugon nito.
“Kailangan mayor din yung mapangasawa mo!” biro naman ni Jose sabay tanong kung may time pa ba sa lovelife ang dalaga dahil nga sa pagiging busy nito bilang public service.
“Sa ngayon hindi siya priority. Kaya nga palagi kong nilalagay na #notimeforlove,” sagot ni Mayor Donya.
Dito na nagsimulang humirit ang mga Dabarkads at tila nirereto sin Mayor Donya kay Mayor Vico.
Hirit uli ni Jose, “Paano kung nandiyan na, may balak lang, ano po ba yung paborito n’yong pagkain?”
“Sa meryenda po, ano mga gusto niyong pagkain? Kalamay gusto niyo?” banat pa ni Jose, na hindi pa madiretso kung paborito rin ba ni Donya ang “biko” na katunog nga ng pangalan Vico.
Singit naman ni Bossing Vic, “May nanliligaw ba sa inyo (Donya) ngayon?”
“Hi Bossing! Parang wala. Parang ayaw naman nila sa akin,” sagot ni Mayor Donya.
Dito na biglang dinampot ng TV host-comedian ang kanyang phone at pabirong tinawagan ang anak na mayor ng Pasig, “Hello Vico! Hello? Diniretso ko na ha.”
Sa huli, sinabi ni Mayor Donya na may mga nagpaparamdam naman sa kanya, “Maraming nagte-text, nangungutang, humihingi ng tulong, pero walang nanililigaw.”
Natatawang hirit naman ni Jose, “Darating din ang biko may latik!”