MUKHANG positibo ang pagpapakita ng tapang at paninindigan ng mag-inang Sharon Cuneta at Frankie Pangilinan laban sa mga nananakot at nagbabanta sa social media.
Naging national issue na ang pagtatanggol ng Megastar kay Frankie laban sa netizen na nag-post ng rape threat sa kanyang anak lalo na ang paghingi niya ng tulong sa Department of Justice.
Dahil dito, mas naging aware ang madlang pipol sa kanilang karapatang lumaban kontra cyberbullying at kung paano makakapagsampa ng kaso laban sa mga naninira at nagbabanta sa kanila sa social media.
Nito lang nakaraang araw, nag-post muli si Mega sa Instagram ng mahabang mensahe kung saan sinupalpal naman niya ang isang nagpakilalang abogado na kumukuwestiyon sa mga ginawa niyang aksyon para ipagtanggol ang kanyang pamilya.
Narito ang kabuuang post ni Shawie:
“Ang daming sinabi ng isang Atty. at pinag aanalyze ang post ko. Napasmile naman ako kahit di ko naman binasang buo ang post niya.
“Mga de-kalibreng abogado lang kasi ang mga pinakikinggan ko sa dami ba naman ng abogado sa bansang ito. Lalo na yung mga nakakita ng pagkakataong pumatol sa issue na mainit ngayon, di kaya kasi dahil gustong sumikat?
“Ang nagbasa ng buo, asawa ko at mga abogado ko – dating law firm ni Sec. Guevarra at law firm ni Kiko (si Sec. Guevarra po lilinawin ko lang, ay Atty. ko since 1992. Malapit ko siyang kaibigan at over the years, humihingi talaga ako ng advice sa kanya tungkol sa ano-anong bagay at sa buhay.
“Siya ang abogado ko hindi ko pa kilala si Kiko at noong napawalang bisa ang una kong kasal. Nagkataon naman na siya na ang nasa posisyon niya ngayon.
“Ang asawa ko po ay abogado rin, kaya obviously ay alam kong hindi ko puedeng maging personal na abogado si Sec. Guevarra na akala ng Atty. na nagsulat ay di ko alam. Tulad ng asawa kong abogado din pero Senador ngayon, hindi ko din puedeng maging abogado.
“At tila di naisip ni Atty. sulat na ang DOJ ang abogado ng mga mamamayan laban sa mga kasong kriminal. As in, pag nagdemanda si Kakie, it’ll be PEOPLE OF THE PHILIPPINES vs. SONNY ALCOS or whomever. Sabi ko na kasi hindi po ako tanga.
“Mabuti nga hindi ako naging abogado eh. Baka naman nakakatakot na lalo ako mag-isip kung nakapagtapos pa. So, Atty. na nagsulat ng kay haba ng dalawang beses, seemingly mocking my being a mother (Atty., baka hindi niyo pa alam na may batas na Safe Spaces Act at noong August last year lang kasi nagkaroon).
“At pagkatapos ay nagsabi na ‘he is a fan of Sharon,’ siguro po kayo ang dapat mag-aral pa ng kaunti, sa gitna ng oras niyo sa pagiging isang Spirit Questor pa. Salamat po,” lahad ng Megastar.