HANGGANG ngayon ay biktima pa rin ng cyberbullying ang proud LGBTQ+ member na si Jake Zyrus.
Tanggap na niya ang katotohanan na kahit anong gawin niyang paliwanag at pagpapakumbaba, hindi na mawawala ang mga bashers na walang ginawa kundi ang manglait at manakit ng kanilang kapwa.
Nakachikahan namin ang international singer-songwriter sa ginanap na digicon ng Star Music via Zoom kamakailan para sa mga bagong ganap sa kanyang buhay at career.
Dito, natanong namin siya kung ano ang reaksyon niya sa tila mas tumitindi pang issue tungkol sa cyberbullying. Aniya, hangga’t kaya niya ay hindi na siya nagbabasa ng mga negative comments sa social media about him.
Para kay Jake, gagawin niya ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya at hindi na magpapaapekto sa mga masasamang sinasabi ng ibang tao. May kanya-kanyang opinyon at paniniwala raw ang mga tao at irerespeto na lang daw niya yun.
“Yes, I still go through it, everyday. Pero hindi natin mapipilit ang iba na maniwala na talagang pwedeng makaapekto ito sa isang tao emotionally. Lagi ko ngang sinasabi, gaano ba kahirap magbigay ng respeto at kabaitan sa ibang tao?
“Bakit mas madali na ngayon ang mam-bully ng tao kesa rumespeto?’ Hindi na yung acceptance, e kasi talagang medyo mahirap ipilit yung tanggapin ka nila.
“You don’t need to accept other people for who they are, but you can respect them, you can be kind to them. One thing that we can put us all together is kindness. If you have kindness in your heart, love follows,” pahayag pa ni Jake.
Samantala, handog nga ni Jake Zyrus ang mensahe ng pagmamahal sa pagdiriwang ng Pride Month sa pamamagitan ng kanyang latest single na “Love Even If” mula sa Star Music.
“Sa lahat ng mga negatibong kaganapan, ang pag-ibig ang pwede nating maging kontribusyon. Huwag tayong magsawang magmahal kahit pa maging masakit ito o mahirap gawin,” aniya.
Ang “Love Even If,” na bahagi ng Bahaghari playlist ng Spotify, ay isinulat niya kasama sina Trisha Denise at ang ABS-CBN creative director na si Jonathan Manalo. Isa ito sa mga kantang nakapaloob sa “Evolution” album na inilunsad noong 2019.
Ibinahagi rin ng singer-songwriter na maglalabas siya ng bagong single sa susunod na buwan na may titulong “Miss You In The Moonlight.”
Kwento ni Jake, nag-experiment siya ng iba’t ibang genre dahil sa naging pagbabago sa kanyang boses at ito aniya ang unang jazz pop music na ilulunsad niya dahil komportable siya sa nabanggit na genre at bumagay ito sa boses niya.
Ang “Miss You In The Moonlight” ay tungkol sa isang tao na nahihirapan bumangon mula sa paghihiwalay na siya rin mismo ang nagdulot, at may hatid itong damdamin ng pagsisisi at pag-asa sa pangalawang pagkakataon. Isinulat ni Gab Tagadtad ang bagong awitin na prinodyus din ni Jonathan.
Bukod dito, ang documentary namamg base sa buhay ni Jake ang nagwagi sa US International Film and Video Festival ngayong taon.
May titulong “Jake and Charice,” ginawaran ang video ng Gold Camera award para sa dokumentaryo sa ilalim ng social issues category.
Hatid ng docu ang kwento ng Kapamilya singer mula sa pagiging kilala bilang Charice—ang unang Asian artist na nagkaroon ng Billboard top 10 hit—hanggang sa kanyang desisyon na lumantad bilang isang transgender man na kilala na ngayon bilang Jake Zyrus. Tampok sa video ang mga pinagdaanan niyang hirap pati na rin ang lakas ng loob na ipinamalas niya para mahanap ang sariling boses.
Mula sa produksyon ng NHK (Japan Broadcasting Corporation) at Documentary Japan ang “Jake and Charice” sa pakikipag-ugnayan sa NHK Enterprises, at kasama rin ang ABS-CBN bilang co-producer. Ipinalabas ito sa Japan noong November 2019.
Pakinggan ang “Love Even If” sa YouTube at sa iba’t ibang digital platforms at abangan ang awiting “Miss You In the Moonlight” sa Hulyo.