NGAYONG isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang virtual learning kung saan magiging online na ang gagawing pagtuturo dahil sa patuloy na banta ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa, nararapat lamang na tiyakin ng pamahalaan na mabigyan ng sapat na suporta ang mga guro sa dagdag na gastos sa internet.
Malaking bagay para sa mga guro ang inihaing resolusyon ni Senator Grace Poe kung saan hinihiling niya sa DepEd na bigyan ng internet allowance ang mga guro sa pampublikong paaralan para sa isasagawang online classes.
Ang paglipat sa online classes ay bahagi ng blended learning scheme na nais ipatupad ng DepEd sa pagbubukas ng klase ngayong Agosto 24 matapos namang ibasura ni Pangulong Duterte ang face-to-face na pagtuturo sa mga mag-aaral.
Nauna nang sinabi ng DepEd na tatanggap ang mga guro ng P3,500 one-time cash assistance, na dating inilalaan para sa chalk allowance.
Iginiit naman ni Poe na hindi magiging sapat ang P3,500 para sa buwanang internet usage ng mga guro.
Binanggit ni Poe ang isinusulong na panukala ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na pagkalooban ng P1,500 internet allowance ang mga guro kada buwan.
Sinabi ni Poe na sakaling pagkalooban ng P1,500 internet allowance ang kabuuang 857,000 guro na nasa ilalim ng DepEd, gagastos ang gobyerno ng P1.285 bilyon kada buwan o P12.855 bilyon sa loob ng 10 buwan.
Sakaling aprubahan, ito’y katumbas lamang ng 4 porsiyento ng kabuuang $6.4 bilyon loan ng gobyerno para sa kampanya kontra COVID-19, ayon pa kay Poe.
Bukod pa rito, idinagdag ni Poe na maaari ring pumasok sa kasunduan ang DepEd sa mga telecommunications companies para mabigyan ang mga guro ng diskwento para sa mobile data load.
Binigyan diin ni Poe ang sakripisyo ng maraming guro na umaakyat ng bundok, tumatawid ng ilog at umuupo sa kahabaan ng highway para lamang makakuha ng signal.
Dapat tapatan ng gobyerno ng kinakailangang imprastraktura ang dedikasyon ng mga guro para maging matagumpay ang ‘new normal’ sa larangan ng edukasyon.
Dahil sa resolusyon lamang ang inihain ni Poe at kahit na aprubahan ng Senado, nasa gobyerno pa rin ang huling desisyon kung ipagkakaloob sa mga guro ang isinusulong na internet allowance.
Kung nais talaga ng DepEd na maging matagumpay ang online teaching, hindi na dapat magdalawang-isip sa suportang kailangan ng mga guro sa dagdag na gastos sa internet.