OFW hindi basura kundi reject na pagkain ang kinukuha–Bello

HINDI naniniwala si Labor Sec. Silvestre Bello III na kumakain ng basura ang ilang overseas Filipino workers, taliwas sa lumabas sa balita.

Sa pagdinig ng House committee on Accounts, sinabi ni Bello na hindi basura ang kinukuha ng mga OFW sa lumabas na video kundi mga delivery ng produkto na hindi tinanggap ng grocery kung saan ito dinala.

“Naniniwala ba kayo na ang Pilipino, isang marangal at may dangal na tao ay kakain ng basura?. Hindi po ako naniniwala na may Pilipino na kakain ng basura. Hindi ko po alam kung mayroon na kayong nakita Pilipino na kumakain ng basura,” ani Bello sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni AnaKalusugan Rep. Mike Defensor.

Ang video ay kuha ng mga stranded na OFW sa Saudi Arabia.

Maaaring itinapon na umano ang mga produktong ito pero hindi ito basura katulad ng iniisip ng ilan.

Hindi naman itinanggi ni Bello na mayroong mga OFW na nagbebenta ng dugo sa ibang bansa kahit bago pa man ang COVID-19 pandemic.

“This is personal experience, I have to be truthful to you. Alam nyo ang mga Filipino kasi, sa kagustuhan nila makapagpadala ng pera sa kanilang may-bahay dito sa Pilipinas, they go for extra money and one of them is selling their blood,” saad ni Bello.

Aniya umaabot sa 346,554 OFW ang naapektuhan ng COVID-19.

“Dito sa 346,554 na displaced sa COVID-19, sa maniwala kayo sa hindi, 188,952 signified their intention to remain on-site. Sa makatuwid, ayaw nilang umuwi, ayaw nilang magpa-repatriate,” dagdag pa ng kalihim.

Sa naturang bilang 18,000 ang malapit na umanong maiuwi at daragdag sa 24,000 na naiuwi na.

Nilinaw naman ni Bello na maaaring dumami pa ang mga apektadong OFW sa paglipas ng mga araw.

Sinabi ni Bello na may mga bansa na handa na ihatid pabalik sa Pilipinas ang mga OFW subalit hindi pinapayagan ang mga eruplano na lumapag sa bansa.

Ayon kay Defensor mas maraming makakauwi kaagad kung papayagan na lumapag ang eruplanong ito.

“Sabi ng CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines) kanina IATF (Inter-Agency Task Force) may problema (kaya hindi nakakalapag ang mga eruplano na maghahatid ng OFW0 pero sa kanila wala ng problema. Kung papayagan po natin yung commercials flights papayagan yung eruplano malaking bagay, pangalawa ho yung cruise ship o yung navy vessels enough na yun parang quarantine na rin nila (ang 15 araw na biyahe), at yung flights na kukunin pa rin, icha-charter ng ating DFA including the DOLE,” ani Defensor para mapabilis ang pag-uwi ng mga OFW sa bansa.

Read more...