NAIS ni House committee on Trade and Industry chairman at Valenzuela Rep. Wes Gatchalian na magkaroon ng pananagutan ang eCommerce platform at ang online sellers sa pagkasira ng mga gamit na binili online.
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag matapos umani ng batikos ang nag-viral na video kung saan makikita na inihahagis ng mga empleyado ang mga package papasok sa delivery truck.
Sa kasalukuyan ang bumili at ang nagbenta ang nag-uusap kapag sira o may sira ang dumating na item.
Hindi umano maiaalis ang posibilidad na nasira ang biniling item dahil sa kapabayaan ng courier. Sa ganitong pagkakataon ay lugi ang nagbenta at ang bumili.
Madalas ay hindi rin umano binibigyan ng opsyon ng mga eCommerce platform ang mga bumibili na mamili kung anong courier service ang nais at pinagkakatiwalaan nitong maghatid ng kanyang binili.
“The on-going practice is that consumers who buy from online platforms like Lazada, Shopee, and Zalora, are limited to the couriers services selected and offered by these eCommerce platforms,” ani Gatchalian. “In order for the consumers to be able to purchase the items they want, they have no other option but to use the courier services utilized by these online platforms. And sometimes they literally have no choice because only one courier service is offered by the platform.”
Inihain ni Gatchalian ang panukalang Internet Transactions Act (House bill 6122) upang magkaroon ng malinaw na pananagutan at obligasyon ang eCommerce platforms at online merchants sa mga sirang gamit na na-deliver sa bumili.
Sa kasalukuyan ay kulang pa umano ang mga polisiya at regulasyon para sa online transactions at cross border trade para maproteksyunan ang mga bumibili at pinagbilhan.
Sa ilalim ng panukala, itatayo ang eCommerce Bureau sa ilalim ng Department of Trade and Industry, upang magsilbing one-stop shop para sa reklamo kaugnay ng internet transactions.