HINDI na nagulat si ACT-CIS partylist Rep. Eric Yap sa kumakalat na mga pekeng PWD IDs sa Quezon City na viral ngayon sa social media dahil matagal na umano siyang nagbabala ukol dito.
Kasabay nito, nanawagan si Yap sa Kamara na agad imbestigahan ang insidente para hindi na lumala ang problema.
“I was not surprised at all to be honest. Noong nakaraang taon pa tayo nag-iingay tungkol dito sa fake PWD IDs na ito, hanggang ngayon, marami pa rin ang nagsasamantala. Baka naging pabor pa sa kanila ito kasi tumaas ang bentahan ng mga IDs. Whether peke ang IDs na ito, o pineke ang medical certificate, o nilakad ng taga loob kapalit ng pera, they are all the same. They are just different breeds of the same animal, pun intended,” ayon sa mambabatas.
“I will file another resolution calling for an inquiry on these malpractices. May naniniwala pa ba na walang kinalaman ang mga tanggapan sa mga lokal na pamahalaan na nag-iissue ng PWD IDs? I will be more specific in this resolution and direct the Committee on Good Government and Public Accountability to investigate erring LGUs. Hindi dapat na kapag may nag-viral lang tayo mabilis dapat noong nalaman nyo na sinasamantala na, tinanong n’yo agad ‘yung sarili n’yo kung anong magagawa n’yo para matigil ito,” dagdag pa ni Yap.
Iginiit pa ni ACT CIS partylist congressman na hindi lamang umano ito makakaapekto sa mga negosyo at sa pamahalaan kundi mismo sa mga totoong may kapansanan o PWD.
“Ang laking pera ng nawawala sa mga negosyo dahil dito sa pang-aabuso sa benefit na ito. Pero mas malaki ang epekto nito sa mga tunay na PWDs. Sa tuwing gagamit sila nito at hindi physically apparent yung condition nila, anong mararamdaman nila kung pagdududahan sila ng mga establishments na baka peke ang hawak nilang ID? All of a sudden, nasa kanila ang burden para patunayan na lehitimo sila? Mali naman iyon,” ani Yap.
Nauna nang nag-file ng House Resolution 454 si Yap para magsagawa ng inquiry ang Kamara ukol sa pagpapatupad ng RA 10754 o ang PWD law at ang proseso ng pag-iisyu ng mga PWD ID pero hanggang ngayon wala pa itong tugon.
“Nananawagan po tayo sa mga kasamahan natin sa Kongreso. Napakaganda ng layunin ng batas na ito pero sinasamantala at ginagatasan na ng mga indibidwal na gustong kumita ng pera. Lagyan natin ito ng sapat na safeguards and sabay sabay tayong maglatag ng solusyon. We can only do so much creating awareness of this abuse, lets deal with this issue now,” giit ni Yap.