NASAWI isang pulis, kagawad, at barangay treasurer sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Jovellar, Albay.
Sa unang insidente, napatay si Pat. Emerson Belmonte, miyembro ng Albay Provincial Mobile Force Company, nang tambangan ng mga kasapi ng New People’s Army ang kanyang unit, sabi ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac.
Sugatan naman sa insidente sina Cpl. Marlon Beltran, Pat. Roy Resurrection, at Pat. John Mark Paz.
Nagsasagawa ang PMFC ng operasyon laban sa NPA sa Brgy. San Isidro dakong alas-5 ng umaga, nang tambangan ng mga rebelde, ani Banac.
Nakaganti naman aniya ang mga pulis at nagkaroon ng 15-minutong palitan ng putok, pero di pa mabatid kung may nasawi o nasugatan sa mga rebelde.
Nagpaabot na ng pakikiramay si PNP chief Gen. Archie Gamboa sa pamilya ng napatay na pulis at inutos ang pagpapalabas ng ayuda sa mga naulilia nito, pati na sa mga nasugatan.
Dakong alas-6:50 naman ng gabi, napatay sina Jose Arthur Clemente at Edel Brando Moina nang pagbabarilin doon din sa San Isidro.
Sina Clemente at Moina ay kagawad at treasurer ng naturang barangay, ayon kay Maj. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.
Nakikipag-inuman ang dalawa sa bahay ng isang Sonny Medravillo, nang pagbabarilin ng mga armado, aniya.
Ayon kay Calubaquib, bagamat di pa kilala ang mga nasa likod ng pagpatay sa dalawang barangay official ay walang nakikitang koneksyon nito sa ambush sa mga pulis.
“As per initial investigation conducted by our local police, the shooting incident that resulted in the death of two barangay officials is not connected with the armed encounter which transpired in the same general area earlier in the day,” aniya.