Lasing na rider sumalpok sa checkpoint, pulis sugatan

PATUNG-PATONG na kaso ang kinakaharap ngayon ng isang lalaking nagmotorsiklo nang lasing, matapos sumalpok at makasugat ng pulis sa isang quarantine checkpoint sa Bocaue, Bulacan, kaninang madaling-araw.

Nakilala ang rider bilang si Michael Kayson Amador, 33, residente ng Brgy. Bambang, ayon sa ulat ng Bulacan provincial police.

Nasugatan siya sa insidente, pati ang pulis na si Pat. Leo Jehrico Santos na noo’y nagbabantay sa checkpoint.

Nagmomotor si Amador mula Marilao patungong Bocaue, nang masalpok ang checkpoint sa bahagi ng MacArthur Highway na sakop ng Brgy. Lolomboy, ayon sa ulat.

Nagtamo si Santos ng mga pasa sa kanang binti at braso.

Nilapatan siya at si Amador ng paunang lunas ng mga rescuer, bago sila dinala sa Rogaciano Mercado Hospital.

Bukod sa pagkasugat sa dalawa, napinsala din ang signage, mga barrier, at tolda ng checkpoint.

Inamin ni Amador sa pulisya na lasing siya nang magmotor, ayon sa pulisya.

Hinahandaan na siya ng kasong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property, paglabag sa Law on Reporting of Communicable Diseases, Anti-Drunk and Drugged Driving Law, at Land Transportation and Traffic Code.

Read more...