HINDI naitago ng mga kongresista ang pagkadismaya sa Department of Social Welfare and Development kaugnay ng mga kapalpakan nito sa pamimigay ng Social Amelioration Program fund sa mga mahihirap na pamilya.
Pinangunahan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang pagsabon sa mga opisyal ng DSWD dahil hindi umano makatwiran ang naging pahirap sa mga kumukuha ng SAP.
“Hindi alam ng Pangulo na ganyan ang gawain niyo,” ani Cayetano sa pagdinig ng House committee on Good Government and Public Accountability kaugnay ng first tranche ng SAP distribution.
Ayon kay Cayetano umabot sa 30 step ang proseso ng pamimigay ng SAP na ginawa ng DSWD na hindi umano makatwiran dahil masyado itong magtagal.
Kung magtatagal din umano ang pamimigay ng pinansyal na ayuda, “Eh di sana hindi namin niratsada yung batas,” ani Cayetano. “In a national emergency, kapit sa patalim ang mga tao…hindi dapat masyadong bureaucratic.”
Sa ilalim ng SAP mabibigyan ng P5,000-P8,000 ang mga mahihirap na pamilya sa bawat rehiyon para sa buwan ng Abril at Mayo.
Huling linggo na ng Mayo ng matapos ang unang tranche ng SAP distribution.
“Before ng COVID napakaganda ng coordination natin…binibigay namin budget niyo. Tapos ganyan ang ipapakita niyo sa amin?” tanong ni Cayetano.
Tinukoy din ni Cayetano ang hindi umano pagsunod ng mga regional director ng DSWD na hindi sumusunod sa kalihim at undersecretary ng ahensya.
“Tama bang sistema yung?….Sa DSWD, yung mga regional directors ang nasusunod. Eh di sana pala kayo na lang mineeting,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Mayroon pa umanong mga regional director na pinag-iisa ang SAP at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) kahit malinaw na magkaiba ang programang ito.
Pinuna rin ni Cayetano ang kabagalan umano ng DSWD sa pagre-repack ng mga relief goods.
Sa isang flow-chart ipinakita ni Cayetano kung papaano inabot ng 53 araw bago nadala sa benepisyaryo ang 7,000 food packs, malayo sa pangakong 50,000 food packs para sa kanyang distrito sa Taguig-Pateros.
May mga reklamo rin sa ipinamigay na bigas na hindi umano makain.
Samantala, sinabi naman ni House Majority Leader Martin Romualdez na inilahad lang ni Cayetano ang nangyari sa layunin na makahanap ng paraan upang mapabilis ang pamimigay ng ikalawang tranche ng SAP.
“Iyan talaga ang katotohanan, iyun po ang hinaing talaga ng taong-bayan, lalo na ang constituents natin. Pero huwag kayong magkamali, nandito tayo para magkaisa na tayo,” ani Romualdez.
“Naiintindihan namin ang ginagawa ninyo pero let’s become closer, let’s work in a better coordination…We are all teammates here.”