QC employees sasalang sa rapid test

SASAILALIM sa Rapid Diagnostic Test (RDT) para sa coronavirus disease 2019 ang lahat ng kawani ng Quezon City government na nag-duty noong enhanced community quarantine (ECQ).

Sinimulan ngayong araw ang COVID-19 testing sa mga empleyado at inaasahan na matatapos ito sa Hunyo 26. Isinasagawa ito sa QC Hall compound.

Batay sa guidelines na ipinalabas ni Joseph Juico, project head ng COVID-19 community based testing ng QC government, prayoridad sa test ang mga empleyado na namigay ng special amelioration program payout at relief goods operation.

Nais man ng city government na ipa-test ang lahat ng empleyado nito, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na hindi ito hinihikayat na gawin ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases upang hindi umano maubos ang test kits at iba pang pangangailangan sa pagti-test.

“We will maximize all available resources within the bounds of the guidelines issued by the national government,” ani Belmonte. “Uunahin muna natin ang ating mga tauhan na pumasok noong ECQ dahil mas malaki ang tyansa na sila’y maaaring na-expose sa virus.”

Isusunod umanong suriin ang mga empleyado ng ibang departamento na pumasok noong ECQ. Nakadepende naman ito sa dami ng matitirang test kits.

Ayon kay City Health Department Dr. Esperanza Arias ang mga magpopositibo sa IgM ay sasailalim sa polymerase chain reaction (PCR) testing para maberepika kung nahawa ito ng COVID-19.

“All personnel tested positive to IgM+ on RDT and symptomatic must under go mandatory quarantine, either through home isolation or in one of the HOPE Community Caring Facilities, while waiting for the PCR result,” ani Arias.

Ang mga empleyado na sasailalim sa quarantine ay hindi babawasan ang sick leave benefits.

Read more...