HINDI pa rin pinapayagan ang “traditional shooting” sa mga pelikula at TV show dahil sa COVID-19 pandemic.
Kailangang sumunod muna sa quarantine at health protocol ang lahat ng magsu-shooting at magte-taping, pati na ang mga taong involved sa mga live show.
Inamin ni IdeaFirst Company producer-director Perci Intalan na hindi muna sila sasali sa anumang film festival ngayong 2020 tulad ng 4th Pista ng Pelikulang Pilipino sa Setyembre at Metro Manila Film Festival sa Disyembre.
“Actually sinabi na namin na ‘wag muna. Maraming cast eh, tapos todo sa make-up at wardrobe. Madugo kung gagawin ito now, mahirap sumugal sa traditional shoot,” saad ni PMI.
Ang tinutukoy niyang pelikula ay ang “Panti Sisters 2” sa pangunguna ni Christian Bables na dapat sana ay isasali sa PPP. “Oo next year na kami (magsu-shooting),” sabi pa ng producer.
Pero may natapos na rin silang pelikula ni Christian bago pa mag-lockdown, “May film kami na nasa post prod, yung ‘Big Night’ ni Jun (Lana) starring Christian. Buti natapos namin bago mag-lockdown. Pero di pa namin alam kung kailan ire-resume ang post production.
“At saka may summer MMFF movies pa nga na naghihintay ang mga tao kung anong mangyayari. Feeling ko…unfair din kasi kung hindi sila nabigyan ng chance ipalabas.
“I mean, unfair kung may bagong set na, pero sila hindi pa nailalabas,” say sa amin.
At habang walang shooting ay itong “Game Boys” series muna ang pinagkakaabalahan ng IdeaFirst na napapanood sa YouTube na every episode ay parating trending.
“Busy sa Game Boys. Akala ng mga tao ang simple lang gawin pero mas mahirap pa sa pelikula! Abangan mo si Adrianna (So), matutuwa ka sa role niya,” saad ni direk Perci.
Noong Mayo 22 lang ito ni-launch sa YouTube at umabot na sa 800k views ang BL series nina Kokoy de Santos at Elijah Canlas na idinirek ni Ivan Andrew Payawal.
Parehong gamer sina Kokoy at Elijah bilang sina Angel 2000 at Cairo na nagkagustuhan dahil sa panunukso ng una at si Adrianna bilang si Pearl ang kaibigan na kinikilig sa dalawa.
Nauso ang BL o Boy’s Love series dahil nag-click ito sa Thailand na talagang maraming nakapanood sa panahon ng ECQ.
* * *
Hindi na TV5 ang itatawag sa Kapatid network kundi One TV na na may tagline na “ONEderful”. Nakatakda itong i-launch sa Hulyo 20.
Totoo kaya na malapit nang matapos ang negosasyon ng ABS-CBN at Cignal para sa airing ng mga programa ng Kapamilya Channel bilang blocktimer.
Si Manny Pangilinan pa rin ang may-ari ng One TV at gusto lang baguhin ang pangalan dahil magiging aktibo na ulit ang entertainment department nito.
Nakatakdang ipalabas dito ang mga BL series mula sa AsterisK Management kabilang na ang “My Extraordinary” na nakatakdang ipalabas sa Hulyo.
Kasabay ng “My Extraordinary (8 episodes) nina Enzo Santiago at Darwin Yu ang pagbabalik ng bagong Talentadong Pinoy ni Ryan Agoncillo na umere sa TV5 noong 2008 hanggang 2014.
Si Perci Intalan noon ang VP at head ng entertainment ng TV5 at mula rin sa pamumuno niya nabuo ang Talentadong Pinoy na ilang taong namayani sa ere.
At sa pagbabalik ng tambalang Ryan at Perci sa One TV ay ginawa na itong “Bangon Talentadong Pinoy” at mas lumaki ang mga premyo mula rin sa orihinal na direktor nitong si Rich Ilustre.