Thirdy Ravena maglalaro sa Japanese B. League

ATENEO Blue Eagles swingman Thirdy Ravena

MATUTULOY na ang balak ng dating Ateneo Blue Eagles star na si Thirdy Ravena na maglaro sa ibang bansa.

Nakuha ni Ravena ang nasabing oportunidad ngayong taon matapos na pumirma sa Japanese Professional Basketball League ballclub na SAN EN NeoPhoenix bilang Asian import.

Ang makasaysayang paglalaro ng three-time UAAP Finals Most Valuable Player sa Japan ay inanunsyo ngayong Miyerkules ng BLeague. Si Ravena ang magiging unang Asian import na pumirma sa isang Japanese division 1 team.

Isa itong malaking hakbang para kay Ravena na hindi sumali sa PBA Draft ngayong taon para tutukan ang pagkakataong makapaglaro sa ibang bansa. Ang kanyang impresibong paglalaro sa unang window ng FIBA Asia Cup qualifiers kontra Indonesia ay lalong nagpalakas sa kanyang kredensyal.

“The pressure will be different if you’re an import because you’re expected to perform right away,” sabi ni Ravena sa naunang panayam sa kanya. “I am just preparing myself for the challenge.”

Ang BLeague season ay magbubukas ngayong Oktubre kung saan ang bawat koponan ay maglalaro ng 60 games sa regular season.

Ang koponan ni Ravena ay nakabase sa Eastern Mikawa at Hamamatsu sa Shizuoka Prefecture, na dalawang oras ang biyahe mula sa Tokyo.

Ang dating Alaska Aces import na si Rob Dozier ay miyembro rin ng SAN EN, na pinapirma rin kamakailan si Serbian import Stevan Jelovac. Pinapayagan ng BLeague ang dalawang import at hindi kasama dito ang mga naturalized players. Si Serbian coach Branislav Vicentic ang humahawak sa SAN EN.

Ang mga dating NBA players na sina Josh Childress at Cartier Martin pati na ang dating TNT KaTropa import na si Jerald Honneycut ay naglaro na sa NeoPhoenix sa mga nakalipas na season.

Read more...