Gilas dapat matuto sa basketball style

    DATING Gilas Pilipinas coach Rajko Toroman. INQUIRER file photo

NAKITA na ni Rajko Toroman kung paano lumago ang Gilas Pilipinas program mula nang unang buuin ito hanggang sa maging isa sa pinakamahusay na koponan sa Asya sa loob lamang ng isang dekada.

At bilang unang head coach ng Gilas program, pamilyar na si Toroman sa Philippine basketball kahit na matagal na niyang binitiwan ang puwesto sa national team ilang taon na ang nakalipas. 

Sinabi ni Toroman na wala na ang dating problema ng Gilas tungkol sa big men lalo na ngayong nandiyan sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar at Poy Erram para sumabak sa internasyonal na kumpetisyon.

Subalit batid ni Toroman na ang bawat Gilas squad na binubuo ay hindi dapat umaasa sa isang klase ng paglalaro at may mga taktika na na nakakatulong para magamit ng husto ng galing ng bawat manlalaro.

At noong hinawakan ni Chot Reyes ang Gilas ay gumamit ng dribble-drive system na naging daan para makamit ng Pilipinas ang isang puwesto sa 2014 FIBA World Cup.

Subalit sinabi ni Toroman na hindi dapat parating ito ang sistemang gagamitin.

“In that time with Chot Reyes, we have discussions about the dribble-drive system which is good for the Philippines but dribble-drive cannot be the philosophy. It can be just one of the systems that you need,” sabi ni Toroman, na kasalukuyang hinahawakan ang Indonesian national team, sa ginanap na Coaches Unfiltered podcast.

“It cannot be the only philosophy you have to put a lot of other things offensively, defensively, to make your tactic very competitive with other countries.”

Sinabi ni Toroman na makakakuha ang Pilipinas ng inspirasyon mula sa sistema ng paglalaro ng mga European kung saan ang bawat player ay nabibigyan ng pagkakataon para magamit ng husto ang kanilang kahusayan.

Itinuro pa niya na mas mainam ang maraming manlalaro na nakakapuntos kaysa isang tao lang ang nagdodomina sa opensa at humahablot ng rebound.

“The Euro Cup, Euro League, is a more tactical game,” sabi ng tubong-Serbia na si Toroman. “A player with 15 or 16 points and seven or eight rebounds is a great player. There are totally different measures about their contributions on the court.”

“When you put in the tactics, you also have to take care about the materials. You don’t necessarily have to copy everything that are being done in Europe but you have to see what you can use with your players.”

Idinagdag pa ni Toroman na ngayong lumalaki at nagiging mas athletic ang mga Pinoy players, mas mabuting tutukan ng mga coaches ang lakas ng kanilang mga manlalaro.

Itinuro niya ang mga tulad nina Kiefer Ravena, Thirdy Ravena at CJ Perez na mga athletic guards na kayang maglaro ng parehong posisyon sa backcourt at puwedeng maglaro ng small forward.

“The job of the coach is to find the best philosophy, the best system in the offense using the strength of the players,” sabi ni Toroman.

Read more...