Online classes paano na kung palaging brownout?

PAANO ka mag-o-online classes kung brownout?

Ito ang isa sa kinakaharap na problema ng mga residente ng Iloilo City na nakararanas ng hanggang 13 oras na brownout.

Ayon kay Jose Allen Aquino, coordinator ng Koalisyon Bantay Kuryente (KBK), halos araw-araw ay nakararanas ng brownout ang mga probinsya sa Panay island.

Ang isa pa umanong hindi katanggap-tanggap ay walang maisagot ang More Electric and Power Corporation (MORE) kapag nagtatanong ang publiko kung ano ang sanhi ng brownout.

Nanawagan naman si Ako Bisaya Rep. Sonny Lagon sa Kamara de Representantes na imbestigahan ang umano’y pagsama ng serbisyo sa suplay ng kuryente sa Iloilo sa halip na gumanda ito sa ilalim ng bagong power distributor.

“Ang concern ko lang talaga is yung mga consumers ng Iloilo, na sana hindi sila ma-apektuhan, lalo na ngayong pandemic. Ang problema ko talaga kasi is yung mga long brownouts na nangyayari,” ani Lagon.

Bukod sa Kamara dapat din umanong mag-imbestiga ang Department of Energy at Energy Regulatory Commission.

“Power is not something the consumers should have to worry about, especially with the pandemic right now,” ani Lagon.

Sinabi ni Aquino na maraming residente rin ang nagrereklamo dahil mali-mali ang datos na nakalagay sa kanilang electric bill.

Sumali rin sa panawagang imbestigasyon si Abang Lingkod Rep. Joseph Steven Paduano.

“Once again, our argument on the issue proves us correct! And during this time of a pandemic it is more highlighted that the leaders of this country, in all branches of government involved in this power crisis, and that includes Congress, must show the people of Iloilo our sense of urgency to settle this issue the soonest possible time,” ani Paduano.

Ayon naman kay PHILRECA Rep. Presley de Jesus nakakaalarma na ang sitwasyon sa Panay island dahil nakakaapekto na ito sa kalusugan at kaligtasan ng mga residente.

“There is a need for the House Energy Committee and the ERC to look into the power situation in Iloilo to ensure the reliability and stability of the power supply and distribution,” saad ni de Jesus.

Ang problema sa suplay ng kuryente ay iniuugnay din sa laban ng MORE at Panay Electric Company na dating may hawak ng pagsusuplay ng kuryente sa lugar.

Hindi binigyan ng prangkisa ng Kongreso ang PECO upang makapagpatuloy ng pagseserbisyo nito at sa halip ay inaprubahan ang aplikasyon ng MORE.

Read more...