Ginang kinatay, nilibing sa bakuran

NAREKOBER ng mga otoridad ang bangkay ng ginang na nawala matapos patayin at ilibing sa bakuran ng umano’y karelasyon nitong lalaki, sa Aborlan, Palawan.

Nahukay ang mga labi ni Rhodora Dioso Ayunan kahapon ng hapon, sa bakuran ng suspek na si Nestor Milo Lacap, isang dating security guard na taga-Brgy. Ramon Magsaysay, ayon kay Lt. Col. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.

Ang 45-anyos na si Ayunan, isang trainee sa Bantay Palawan Task Force, ay huling nakitang buhay sa looban ng Brgy. Gogognan, noong Mayo 25 bago naiulat na nawawala.

Hinanap si Ayunan ng mga kaanak at awtoridad simula noon pero di natagpuan, hanggang sa nitong Miyerkules ay ibunyag ng pamangkin ni Lacap sa pulisya ang nangyari sa ginang.

Sinabi ng pamangkin ni Lacap na pinatay ng kanyang tiyuhin si Ayunan at nilibing ito sa bakuran ng una, ayon kay Tolentino.

Lumabas sa inisyal na pagsusuri na tatlong saksak sa dibdib ang ikinasawi ng biktima.

Kasabay ng pagkarekober sa bangkay ni Ayunan ay inaresto si Lacap.

Pagseselos ang nakikitang nagtulak kay Lacap para patayin ang ginang.

Napag-alaman na kapwa may-asawa sina Ayunan at Lacap, pero nagkaroon umano ng patagong relasyon, ayon sa pulisya.

Kasalukuyang nasa kostudiya ng pulisya si Lacap para sa karagdagang imbestigasyon.

Read more...