INIREKOMENDA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na patawan ng disciplinary action ang 20 kapitan ng barangay sa Metro Manila na lumabag sa enhanced community quarantine (ECQ) protocols.
Sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año na hindi kukunsintihin ng ahensya ang mga lumabag dahil ang mga opisyal ng gobyerno ang dapat na nangunguna sa pagsunod sa batas.
“Wala tayong sasantuhin. Patuloy ang pagtanggap natin ng mga reklamo kaya patuloy din ang pagsasampa natin ng kaso sa Office of the Ombudsman,” ani Año.
Sumulat si DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño kay Ombudsman Samuel Martires noong Hunyo 16 matapos na hindi umano makapagbigay ng katanggap-tanggap na paliwanag ang mga kapitan sa kanilang ginawang palabag.
“Patong-patong ang mga reklamo at sumbong na natanggap namin laban sa kanila kaya sa kabila ng kanilang sagot sa show cause order ay minabuti naming ipadala pa din sa Ombudsman ang mga ebidensyang aming nakalap,” ani Diño.
Sa mga inirekomenda na patawan ng disciplinary action, 5 ang taga-Caloocan City, lima rin sa Quezon City, dalawa sa Parañaque City; at tig-isa sa Mandaluyong City, Las Piñas, Manila City, Makati, Pasay City, Taguig City, Marikina City, at Muntinlupa City.
Kasama umano sa paglabag ng mga ito ang hindi pagpapatupad ng social distancing, iligal na sabong, at hindi pagpapatupad ng lockdown protocols kaya may mga bata na naglalaro sa kalsada.
Sinabi ni Diño na maraming natanggap na reklamo ang ahensya sa DILG Emergency Operation Center, Hotline 8888, e-mail at text messages.
“Alam mo kadalasan, may 50 reklamong nakakaabot sa amin para lamang sa isang opisyal ng barangay. Doon pa lang malalaman mo na hindi lang pamumulitika kundi talagang mataas ang probability na may ginawa talagang mali,” dagdag pa ng opisyal.