NAGHAIN ng panukala si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez upang linawin ang Cyber Libel law at itakda sa isang taon ang prescription period ng krimen.
Inihain ni Rodriguez ang House Bill 7010 matapos hatulan ng Manila Regional Trial Court ang journalist na si Maria Ressa at dating writer-researcher nito na si Reynaldo Santos Jr. sa kasong cyber libel na isinampa ng isang negosyante.
Ayon kay Rodriguez sa ilalim ng Cyber Libel law ang krimen ay ginawa sa pamamagitan ng computer system o mga kahalintulad na pamamaraan.
May mga kumuwestyon sa desisyon dahil ang Libel case ay mayroon lamang umanong prescription period na isang taon. Walang nakasaad na prescription period sa batas.
Taliwas ito sa opinyon ng Department of Justice na ang mga krimen na ang parusa ay anim na taong pagkakakulong, ang prescription period ay 12 taon.
“Some legal experts argue that since the article involved in the Ressa-Santos case was published in May 2012, then the alleged crime had prescribed in May 2013. If it was republished in February 2014, then the complainant had only until February 2015 to file a complaint. The case was filed in court on Feb. 5, 2019,” saad ng solon.
Sinabi ni Rodriguez na ayon kay Far Eastern University law dean Mel Sta. Maria mayroong desisyon ang Korte Suprema na nagsasabi na ang Anti-Cyber Crime law ay hindi isang bagong batas at ito ay nakasaad na sa Revised Penal Code kung saan nakalagay na ang prescription period nito ay isang taon.
Ang prescription period ay ang panahon kung kailan dapat makapagsampa ng kaso ang isang naargabyado mula sa panahon kung kailan nagawa ang krimen.
“Because cyber libel is not a new crime, then the one-year prescriptive period applies to it. Moreover, such prescriptive period (under the Penal Code) was not changed by the Anti-Cyber Libel Law,” ani Rodriguez sa kung ano ang sinabi ni Sta. Maria.
Nanawagan si Integrated Bar of the Philippines President Egon Cayosa na dapat magkaroon ng paglilinaw sa batas.