INIALOK umano ng mga Lopez kay dating Pangulong Ferdinand Marcos ang kanilang ABS-CBN at Manila Electric Company bago pa man idineklara ang Martial Law.
Sa pagharap ni dating Senate President Juan Ponce Enrile sa joint hearing ng House committees on Legislative Franchises at on Good Government and Public Accountability, sinabi nito na inalok ng mga Lopez si Marcos na kunin ang dalawang kompanya na lubog sa utang.
“Sila (Lopezes) na mismo ang nagsabi na kunin na ni Marcos or ng gobyerno ang ABS-CBN at Meralco dahil hindi na nila kayang i-service iyung kanilang loans. Nahihirapan na silang bayaran ang kanilang more than P100 million na loans,” ani Enrile.
“That’s the situation. Now President Marcos rejected the offer (ni Lopez) and because of that it was place (ang ABS_CBN) under the management and control of Bobby Benedicto,” ani Enrile. Si Benedicto umano ang namuhunan para sa mga bagong equipment ng ABS-CBN.
“Nauna yan (ABS-CBN) na na-offer ng mga Lopezes sa gobyerno. Ang sumunod na offer nila ay yung tungkol sa Meralco. Yung record ay nasa isang report na ginawa ni Chairman Emilio Abello ng Meralco nun at nilagdaan ni President Cenen Gabaldon ng Meralco noon, ang report na yun at hinihiling ni Don Eugenio Lopez na kunin na lang ng gobyerno yung Meralco sapagkat hindi kayang i-service ang kanilang mga loan noong mga panahon na ‘yun.”
Ang Meralco ay pagmamay-ari na ngayon ni Manny Pangilinan.
Ayon kay Enrile hindi tama na sabihin na kinuha ng mga Marcos ang ABS-CBN sa mga Lopez.
“The title of all of these facilities were never transferred to the government. They remained with the owners. Hindi po tama yung sinabi ni Jake Almeda Lopez na inagaw ni Presidente Marcos yung ABS-CBN,” ani Enrile.