ABS-CBN never ginamit si Kris para  ma-renew ang prangkisa sa ilalim ng PNoy admin

KRIS AQUINO

IDINIIN ng ABS-CBN na hindi nito ginamit ang koneksyon sa dating Kapamilya star na si Kris Aquino para maaprubahan ang kanilang prangkisa noong administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Mismong sina ABS-CBN chairman Mark Lopez at ABS-CBN president and CEO Carlo Katigbak ang nagpahayag na hindi nila kinausap si Kris, na kapatid ng dating Pangulo, para umarangkada ang renewal ng prangkisa ng network.

Ito’y matapos usisain ni Rep. Mike Defensor ang ABS-CBN kung humingi ba ito ng tulong sa dating talent. Ayon kasi kay Defensor, susi sana si Kris para naaprubahan na ang prangkisa ng network noong 2014.

Ani Katigbak, “Nasa kamay ng Kongreso kung bibigyan o tatanggalan ng prangkisa ang isang institusyon. Narito man kami para bigyan ang komite ng magandang rason kung bakit karapat-dapat ma-renew ang aming prangkisa, hindi naman namin nakakalimutan na respetuhin ang proseso ng batas.”

Ayon kay Rep. Micaela Violago na isa sa mga sponsor ng panukalang ma-renew ang prangkisa  ng ABS-CBN, nagkaroon lamang ng isang committee hearing noong 16th Congress o 2014-2016 para sa franchise renewal bill ng ABS-CBN. 

Noong sumunod na 17th Congress naman, aniya naghain siya ng franchise renewal bill ng network, pero walang naganap na pagdinig. At noong nagbukas ang 18th Congress noong 2019, isa si Violago na nag-file ng bill para sa ABS-CBN franchise, pero sabi nito na noong Marso, 2020 lamang nag-umpisa ang committee hearing sa ABS-CBN franchise.

Samantala, naging usap-usapan naman ng netizens ang mala-showbiz na panayam ni Defensor sa mga bossing ng ABS-CBN.

Komento ni Twitter user @sashabella229, “Only goes to show na ang ABS-CBN hindi ginamit si Kris Aquino dahil sa kapatid niya si PNoy dahil ang tamang gawin ay dumaan sa proseso ng pag-renew.”

Tweet naman ni @ckcute, “Ang ABS-CBN sumusunod sa proseso, pero itong si Mike Defensor sinisi pa ang ABS na hindi pumadrino o gumamit ng influence para ma-renew.”

Muling magkakaroon ng pagdinig sa Kamara para sa franchise application ng ABS-CBN bukas.

Read more...