HINDI inaalis ni AnaKalusugan Rep. Mike Defensor ang posibilidad na imbestigahan din ng Kamara de Representantes ang Philippine Depositary Receipts ng ibang channel.
Ito ang sinabi ni Defensor sa pagdinig ng House committees on Legislative Franchises at on Good Government and Public Accountability na tumatalakay kung sang-ayon sa Konstitusyon ang pagbebenta ng ABS-CBN ng PDR sa mga dayuhan.
“Maraming nagsasabi hindi lang po dito maging sa labas, ‘Eh bakit ang ABS-CBN lang ang pinarurusahan, bakit hindi parusahan ang GMA, bakit hindi parusahan ang Rappler?’ Ang Rappler po nagkakaso na,” ani Defensor.
“I’m very happy that some of our colleagues would like to look into GMA. I agree. But let’s not be diverted from the issue. Ang issue dito, was there a violation of ABS-CBN of our Constitution?” dagdag pa ni Defensor.
Bago ito ay nagtanong si Nueva Ecija Rep. Micaela Violago kung nagsumite na ng kopya ng kanilang PDR ang ibang channel.
“In aid of legislation, in the near future [I hope], maybe we can also investigate the PDRs [of other] broadcasting companies the way we investigate ABS-CBN,” ani Violago.
Sinabi naman ni Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla na ang PDRs ng ibang channel ay dapat isagawa sa hiwalay na pagdinig.
“That is for a member of the House to file a corresponding on that matter. In the meantime we will abide by the investigation we are conducting right now,” ani Remulla.
Ayon naman kay Good Government committee chairman at Bulacan Rep. Jonathan Sy Alvarado nagsumite ng PDR ang GMA 7.
“Binasa ko po yung mga PDRs, mukhang ang pagkakaiba lamang ay yung presyo,” ani Alvarado.
Tinatalakay ang PDR sa pagdinig ng aplikasyon ng prangkisa ng ABS-CBN upang matukoy kung may nilabag ito sa Konstitusyon kaugnay ng pagmamay-ari na nililimita lamang sa mga Pilipino.