HINATULAN ngayon Lunes ng Regional Trial Court ng Manila ( Branch 46) ang Executive Editor at Chief Executive Officer ng news website na Rappler na si Maria Angelita Ressa at ang dating researcher/writer ng Rappler na si Reynaldo Santos Jr na makulong ng anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon dahil sa kasong cyber liberl.
Bukod sa hatol na kulong, pinagbabayad din sila ng magkahiwalay na halaga ng P200,000 bilang moral damages at exemplary damages.
Ayon sa desisyon ng korte, nilabag nina Ressa at Santos ang Cyberlibel law (RA No. 10175) ng nilathala (republished) sa online news site ng Rappler noong February 19, 2014 ang tungkol sa diumano involment ng nagreklamo (complainant) William Keng sa mga iba’t ibang irregular activities.
May dalawang option sina Ressa at Santos.
Una, pwede silang mag-apply ng probation dahil ang hatol naman ay hindi lagpas ng anim na taon. Pero dapat nilang bayaran yung dalawang P200,000 bilang moral at exemplary damages sa complainant na si Keng.
Kapag nag-apply sila ng probation, tapos na ang kaso. Hindi sila makukulong pero dapat sundin nila ang mga alituntunin na nakasaad sa probation order.
Pero sa aking pananaw, hindi mangyayari ito.
Sa mga taong gaya ni Ressa na puno ng prinsipyo, nanaisin pa nitong ipaglaban ang prisipyo hanggang katapusan kaysa humingi ng probation para lang makaiwas sa kulangan.
Pangalawa, maaaring maghain sina Ressa at Santos ng Motion for Reconsideration (MR) sa korte (RTC Manila) sa loob ng 15 araw mula sa araw ng paghatol.
Hihilingin nila sa Korte na baliktarin ang decision nito at sila ay ipawalang sala. Kung sakali naman ibasura ng Korte (RTC Manila) ang kanilang MR, may karapatan naman silang dalhin ito o apela sa Court of Appeals. Sina Ressa at Santos ay may karapatan din dalhin ang kaso sa Korte Suprema kung sakali naman panigan ng Court of Appeals ang naunang decision ng Korte (RTC Manila).
Habang hindi pa nagkakaroon ng final decision ang Korte, malaya naman sila Ressa at Santos dahil sila naman ay nakapag piyansa.
Maraming legal issues na matatalakay sa kaso nina Ressa at Santos na tanging ang Korte Suprema lamang ang makakapag bigay ng final decision dito.