MULING iginiit ni Sen. Bong Go ang pangangailangan sa pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers sa harap ng lumolobong bilang ng mga OFWs na tinamaan ng Covid-19.
Ani Go, napapanahon na upang muling buhayin ang isinusulong niyang panukalang DOFW sa Senado.
“Maraming nawalan ng trabaho dala ng Covid-19. Apektado ang mga empleyado sa bansa at pati rin ang mga nagtatrabaho abroad. Mas maisasaayos ang mga programa at serbisyo ng gobyerno para matulungan ang mga apektadong Pilipino kung mayroong sariling departamento na mamamahala sa mga pangangailangan ng mga OFW,” sabi niya.
Base sa nasabing panukalang batas, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang siyang tututok sa domestic labor habang ang DOFW naman sa mga OFW.
“Nararapat lamang na may tumutok sa mga pangangailangan ng OFW lalo na sa mga napilitang bumalik sa bansa. Matagal din silang nagsakripisyo at nawalay sa kanilang mga pamilya. HIndi po matutumbasan ang hirap na dinanas nila para lang buhayin ang mga pamilyang iniwan nila dito,” anang senador.
“Ngayong napilitan silang umuwi dahil sa krisis, dapat lang bigyan ng sapat na atensyon ang kanilang mga pangangailangan para matulungan ang ating mga bagong bayani na makabangon muli,” dagdag ni Go.
Inaasahan ng pamahalaan na aabot sa mahigit 300,000 OFW ang uuwi sa PIlipinas bunsod ng kawalan ng trabaho dulot ng epidemya.