PINAG-AARALAN na ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang paggamit ng digital o mobile apps sa pagtaya sa lotto at iba pang palaro nito.
Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma hiniling ng ahensya sa Office of the President na payagan na ang operasyon ng mga palaro nito.
“Kasama na po sa aming proposal ang paggamit ng mobile application at ang pag-allow na gumamit ng automated betting machines kung saan hindi na po kailangan ng face to face betting, through this mga marketing tools ay makaka-access ng taya po ang ating mga manlalaro,” ani Garma.
Pinag-uusapan na umano ito sa board ng PCSO.
Para sa mga pupunta pa rin sa lotto booth para tumaya, sinabi ni Garma na hindi pwedeng tumaya sa lotto ang mga walang facemask.
Para naman sa mga tumaya bago ang lockdown at hindi pa nabobola ang kanilang ticket, magsasagawa ng special draw ang PCSO sa pagbubukas nito. Itago lamang umano ang tiket.
Ayon kay Garma tinatayang P13 bilyon na ang nawalang kita sa PCSO dahil sa pagsasara ng operasyon ng palaro nito.
Patuloy naman umano ang pagbibigay ng tulong ng PCSO sa mga mahihirap na pasyente. Umaabot umano ito sa P30 milyon kada linggo.