Dahil sa banta ng COVID-19 ay natigil ang mga liga at torneyo ng volleyball.
Pero hindi ito ngangangahulugan na tumigil na rin ang mundo ng mga volleyball players.
Umpisa Hunyo 23, Martes, ay magsasanib-pwersa ang volleyball stars na sina Eya Laure, Ponggay Gaston, Michelle Cobb, at Rosie Rosier para sa bagong talk show na “TBH” (To Be Honest) ng ABS-CBN Sports, na ipapalabas sa LIGA cable sports channel, iWant, TFC, at ABS-CBN Sports YouTube channel.
Layunin ng mga student-athlete at magkakalaban sa mga torneyo na sina Eya, Ponggay, Michelle, at Rosie na mabigyang inspirasyon ang kabataang Pilipina sa pamamagitan ng kanilang masaya at tapat na mga diskusyon kasama ang iba pang atleta tungkol sa mga paksang makabuluhan at palaging napapanahon.
Sa unang episode ng “TBH,” na eere sa Hunyo 23 alas-8 ng umaga, at may replay ng 1 p.m. at 6 p.m. ay kanilang ilalahad ang kanilang mga karanasan, damdamin, at natutunan sa pagharap sa tinatawag na “new normal.”
Habang nasa ilalim pa rin ng community quarantine ang Metro Manila, isasagawa nila ang programa mula sa mga tahanan nila, kung saan kung ano-ano na rin ang kanilang nasubukan at pinagkakaabalahan.
Si Eya, ang UAAP Season 81 Rookie of the Year, ay nago-online classes para sa kanyang kursong Tourism sa University of Santo Tomas, at nahihilig na rin sa vlogging. Aniya sa “TBH” makikita ng mga tao ang kanilang mga personalidad sa labas ng volleyball.
Tulad ni Eya, sumabak na rin sa vlogging si Michelle, na kilala sa kanyang dalawang kampeonato bilang setter ng De La Salle University. Bukod dito, nakahiligan na rin niya ang baking, na isa sa mga kinasasabikan niyang gawin sa araw-araw kasama ng paggawa ng “TBH.”
Ikinatuwa naman ni Rosie ang pagkakataong makasama ang pamilya, matuto ng bagong kaalaman, at makatulong sa kapwa habang quarantine. Nais ng kapitana ng University of the Philippines Fighting Maroons na mas marami pang magawa at maiambag bilang parte ng “TBH.”
Si Ponggay naman, na katatapos lang sa kolehiyo sa Ateneo De Manila University, ay nananatiling nasa magandang kondisyon dahil sa patuloy na ehersisyo sa kabila ng lockdown. Ikinagagalak niya ang pagkakataong maibahagi ang sariling mga pananaw at ideya sa pamamagitan ng programa.
Dahil sa pagkansela ng UAAP Season 82 bunsod ng pandemya, nais ng apat na atleta na gamitin ang panahong ito para matalakay ang mga isyung mahalaga para sa lahat sa “TBH.”
Sina Eya, Ponggay, Michelle, at Rosie ang pinakabagong mga atleta na sumabak na sa hosting tulad nina Alyssa Valdez, Gretchen Ho, Michele Gumabao, Cherry Nunag, at marami pang iba.