Rocco rumaraket bilang plantito; Benedict Cua may pasabog sa ‘BFF Love 101’

CERTIFIED “plantito” na ang Kapuso actor na si Rocco Nacino.

Ang pag-aaalaga ng halaman ang isa sa mga nakahiligang gawin ng Kapuso actor noong magsimula ang enhanced community quarantine.

 Sa katunayan, ginawa pa nila itong negosyo ng kanyang girlfriend na si Melissa Gohing na tinawag nilang “All About Plants.”

 Ilan lamang sa kanilang mga ibinebentang produkto ang indoor plants na kinagigiliwan ng “plantitos” and “plantitas” ngayon.

 

Post ng Kapuso actor sa kanyang Instagram account, “Isa sa mga naging hilig ko noong habang naka-ECQ tayo ay ang mga halaman. ‘Di ko akalain na napaka-interesting pala mag-alaga ng mga ito. 

“Ipapakilala ko sa inyo ang dalawa sa mga alaga ko. Sa kaliwa, ang Monstera Deliciosia, at sa kanan, ang Monstera Thai Constellation, ang mga kinababaliwan ng mga Plantitas ngayon. At yes, Plantito na rin ako! Kaya nasimulan namin ang @allaboutplantsph!” mensahe pa ni Rocco sa kanyang IG followers.

 

Kaya naman bilang special treat sa kanyang kapwa plant parents, nagsagawa si Rocco ng isang urban gardening tutorial para sa pangalawang live broadcast ng “DOTS How You Do It” sa Facebook page ng “Descendants of the Sun.”

Dito ipinakita ng aktor ang ilang gulay at herb na pwedeng itanim sa bakuran ng bahay.

                          * * *

Siguradong magpipiyesta ang Team Caitlyn (Kate Valdez) at Benny (Benedict Cua) mula sa GMA series na “Anak Ni Waray Vs. Anak Ni Biday” dahil may special vlog ang karakter ng binata para sa karakter ni Kate ngayong darating na Lunes (June 15). 

Hindi dapat palampasin ang vlog ni Benny na pinamagatang “BFF Love 101” tungkol sa mga taong nais umamin ng kanilang tunay na nararamdaman sa kanilang kaibigan.

 

Bago ipatigil ang taping ng serye bunsod ng COVID-19 pandemic, matatandaang hindi pa rin nakaka-get over si Caitlyn sa ex nitong si Cocoy (Migo Adecer) na napupusuan pala ang bestfriend na si Ginalyn (Barbie Forteza). 

Na-appreciate naman ng Kapuso viewers ang pag-comfort at pagiging mabuting kaibigan ni Benny kay Caitlyn. Hindi rin tuloy mapigilan ng ilan na mapansin ang chemistry ng dalawa, “Caitlyn, sana makita mo naman si Benny na nagmamahal sayo ng totoo.”

 

Inamin din ng real-life vlogger turned actor na si Benedict ang kanilang close relationship ni Kate maging sa likod ng camera.

 “Si Kate, hands down, inaalalayan niya ako sa kahit anong mga scenes. Sinasabi ko sa kaniya, ‘Kate alam mo kinakabahan ako, nate-tense ako. [Hinahaplos] niya ‘yung back ko. 

“Sabi niya ‘Kaya mo ‘yan, kaya mo ‘yan. Ganyan din ako ‘noong umpisa,” pagku-kwento ni Benedict. Marami naman ang nag-aabang sa special vlog na ito ni Benedict lalo pa at isa talaga siyang kilalang YouTuber bago pa man naging artista at maging parte ng “Anak Ni Waray Vs. Anak Ni Biday.”

 

Tutukan ang special vlog ni Benny na dedicated to Caitlyn sa Lunes, 8 p.m. sa official Facebook at YouTube accounts ng GMA Network.

Read more...