MAAARI umanong gamitin ng Kongreso ang kapangyarihan nito upang pagbawalan ang mga dual citizens na mag may-ari ng media company upang mapangalagaan umano ang interes ng bansa.
Ayon kay AnaKalusugan Rep. Mike Defensor taliwas umano sa probisyon ng Konstitusyon ang pagmamay-ari ng dual citizen ng isang broadcasting company at hindi ito dapat payagan ng Kongreso.
“It is contrary to the provision of the Constitution that media should be 100-percent owned and managed by Filipinos or cooperatives or corporations wholly owned by Filipinos. It is against another provision of the Charter banning dual allegiance,” ani Defensor.
Sa joint hearing ng House committees on legislative franchises at on good government and public accountability, inamin ni Eugenio ‘Gabby’ Lopez III na siya ay isang Amerikano at isang Filipino dahil ipinanganak siya sa Amerika at ang kanyang mga magulang ay parehong Filipino.
Si Lopez ang dating chairman at pangulo ng ABS-CBN. Ngayon ang posisyon ay hawak ni Carlo Katigbak.
Giit ng ABS-CBN walang nakasaad sa Konstitusyon na bawal ang dual citizen.
Sa isa sa mga pagdinig, sinabi ng Department of Justice na mayroong kapangyarihan ang Kongreso na plantsahin ang gusot na ito kaugnay ng pagmamay-ari ng mass media.
“I think the consensus is to do just that, so that dual citizens who certainly have allegiance to two countries would be prohibited from becoming media owners or shareholders. I, for one, will recommend or support legislation that would impose such prohibition,” ani Defensor.
Iginiit ni Defensor na maaaring malagay sa alanganing ang bansa dahil sa dual citizenship ng nagmamay-ari ng istasyon ng telebisyon o radyo.
“At this time when Manila and Beijing are involved in a bitter dispute over the West Philippine Sea, which side such a Filipino-Chinese take? Which country’s interest he would protect?” tanong ni Defensor.
Ang mga ganitong sitwasyon umano ang nais na iwasan ng Konstitusyon kaya inilagay doon na dapat ay 100 porsyentong Filipino ang may-ari ng mga ito.