PLANONG bigyan ni Dingdong Dantes ng pansamantalang pagkakakitaan ang mga kasamahan niya sa showbiz na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Ito’y sa pamamagitan ng pagpasok niya sa isang negosyo na may konek sa delivery service. Aniya, ilang taga-showbiz industry na wala pang pagkakakitaan ang iha-hire nilang mga staff para rito.
Ayon sa Kapuso actor, tatawagin ang kanilang project na Ding Dong PH, pero aniya, wala pa siyang maibibigay na karagdagang detalye hinggil dito.
Isa si Dong sa mga naki-join sa “Fireside” live chat kahapon kung saan tinalakay ang magiging sistema sa “new normal” sa iba’t ibang sektor, tulad ng showbiz, travel and food.
Nakasama ng aktor sa nasabing online chat sina Matteo Guidicelli, Nico Bolzico, Rico Blanco at Drew Arellano.
Ayon kay Dingdong, may pinaghuhugutan ding inspirasyon ang pag-develop nila ng bagong delivery app — ito ay ang flower business ng asawa niyang si Marian Rivera.
Ikinuwento ni Dingdong na nagkaroon ng problema ang kanyang sa isa nilang customer, bukod sa nagkamali na sa address at bahay, na-damage pa raw ang item na ide-deliver.
Kaya naman to the rescue agad si Dingdong at nag-volunteer na gamitin muna ang kanyang scooter para maipadala ang order na bulaklak sa kliyente.
“Doon nagsimula ‘yung idea, at lumawak na lang siya. In the past weeks, after talking with friends who share the same vision and passion, an idea was developed, hence the birth of Doorbell Technologies,” kuwento ng Kapuso actor.
Pahayag pa ng aktor, “Kung gagawa ako ng isang bagay, gusto ko klaro ang kaniyang social impact. ‘Yung inspiration also behind this is the fact that I have several workmates who lost their jobs in the entertainment industry.”
“’Yung riders na gagamitin natin, ‘yung nawalan ng trabaho dito sa industriya namin,” pagpapatuloy pa niya.
Bago ito, may patikim na si Marian sa bagong proyekto ng asawa. Aniya sa kanyang Instagram post, “Ding Dong? Iisa lang naman ang Ding Dong sa buhay ko. Ano sa tingin niyo? Hmmm… Alamin natin by following @dingdong.ph.”