Malinaw sa Section 4 (BB) ng Bayanihan Law (RA No. 11469) na ang binigay na kapangyarihan sa Pangulo ng Kongreso ay magbigay ng palugit (grace period) sa pagbayad ng RESIDENTIAL RENT na hindi bababa sa 30 days matapos ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) na walang babayarang anumang interest o penalties.
Ganoon din kalinaw ang binigay ng Pangulo na direktiba at kautusan sa Department of Trade and Industry (DTI) nag ito ay magpalabas ng isang Memorandum noong March 28, 2020. Ang direktiba at kautusan ay magbigay ng palugit (grace period) sa pagbayad ng RESIDENTIAL RENT matapos ang ECQ na hindi bababa sa 30 day na walang interest at penalties.
Ngunit noong April 3, 2020 naglabas ang DTI ng Memorandum Circular No. 20-12 kung saan sinama nito ang COMMERCIAL RENT sa pagbibigay ng palugit at grace period sa pagbayad nito bagamat ito ay hindi kasama sa Bayanihan Law at direktiba ng Pangulo.
Nagpalabas ulit ang DTI ng Memorandum Circular 20-31 noong June 4, 2020 kung saan inulit nito ang pagsama sa COMMERCIAL Rent sa pagbibigay ng palugit o grace period sa pagbayad nito.
Walang duda ang pagbibigay ng grace period o palugit sa COMMERCIAL RENT ay isang magandang hakbang para matulungan ang mga maliliit na negosyante sa panahon ngayon nang COVID-19 crisis, pero ito ay hindi naaayon sa Bayanihan Law. Ito rin ay salungat sa Memorandum na nilabas nang Malacanang noong Marso 28, 2020.
Klaro sa Bayanihan Law at sa Memorandum na ang grace period sa renta ay limitado lang sa residential rent at hindi kasama ang commercial rent.
Mapapansin din sa panukalang-batas na Bayanihan Law 2, na ngayon ay nakabinbin sa Kongreso, na ang rentang binabanggit para sa ulit na palugit o grace period ay RESIDENTIAL lamang at hindi kasama ang COMMERCIAL.
***
Dahil nawalan na ng bisa o epektibo ang Bayanihan Law noong June 5, 2020, ang pagkuha (procurement) at pagbili ng ibat-ibang bagay, kasama na ang serbisyo, na may kaugnay o konektado sa pagsugpo ng Covid-19 crisis ay sakop na muli ng RA No. 9164 (Government Procurement Reform Act).
Ang ibig sabihin nito, kailangan na nilang sundin ang mga alituntunin sa pagkuha (procurement) at pagbili na nakasaad sa RA No. 9184, ang Implementing Rules and Regulations ng RA No. 9164 at mga iba’t-ibang batas na konektado dito.
Maaaring maging mabagal ang pagkuha at pagbili ngayon dahil sa mga prosesong dapat sundin. Makakatiyak naman ngayon na may alituntunin na susundin ang mga ahensya ng gobyerno na tinakda para hindi ito madehado o maiwasan ang corruption.