PATAY ang dalawang hinihinalang Chinese, na sangkot umano sa pagdukot sa kanilang mga kababayan, nang makipagbarilan sa mga pulis sa Angeles City, Pampanga, kaninang umaga.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga napatay, na kapwa “Chinese-looking” at nakuhaan ng mga baril, ayon kay Brig. Gen. Jonnel Estomo, direktor ng PNP Anti-Kidnapping Group.
Sangkot umano ang dalawa sa pagdukot sa tatlong Chinese national, na nasagip ng AKG sa Angeles noon lang Hunyo 1, aniya.
Naengkuwentro ng mga tauhan ng AKG Luzon Field Unit at Criminal Investigation and Detection Group-Angeles ang mga suspek sa Forest Park Homes, dakong alas-9.
Ayon kay Estomo, nagsasagawa ng back-tracking ang AKG at CIDG doon, kaugnay ng pagdukot sa mga tatlong Chinese national, nang maispatan ang isang Hyundai Starex na ginamit umano sa pangingidnap.
Dahil dito’y nilapitan ng mga pulis ang Starex para tanungin sana ang mga sakay nito, pero bigla silang pinaputukan ng mga ito, aniya.
Gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang dalawang armado, habang isang Capt. Diaz ng AKG ang tinamaan ng bala sa kanang paa.
Narekober sa pinangyarihan ang dalawang kalibre-.45 pistola, isang kalibre-5.56 na M4 rifle, at ang Starex.
Pareho ang plaka ng Starex sa plaka ng sasakyang itinuro ng dalawa pang suspek sa kidnapping, na naaresto nito lang Hunyo 6, ayon pa kay Estomo.