Lockdown ipinatupad sa isang kalsada sa Navotas City

ISINAILALIM sa lockdown ang H. Monroy st., sa Brgy. Navotas West, Navotax City ngayong araw.

Nagsimula ang lockdown ng alas-5 ng umaga at matatapos 11:59 ng gabi sa Hunyo 15.

“Ayaw natin ng lockdown pero ito ay kailangan para sa ating kapakanan. Bilang napapasailalim sa lockdown, ang mga residente sa H. Monroy ay hindi maaaring lumabas,” ani Mayor Toby Tiangco.

Ayon kay Tiangco nakapagtala ang City Health Office ng 14 na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 sa lugar.

Sa 14 na nagpositibo, 10 diumano ang magkakapamilya at dumalo sa isang selebrasyon noong May 19. Ito ay masusing pinapaimbestigahan dahil noong panahong ’yon, tayo ay nasa ilalim pa ng MECQ kaya bawal pa ang anumang pagtitipon,” ani Tiangco.

Iginiit ni Tiangco na “Sa pagsuway dito, nilalagay natin sa panganib ang ating sarili pati na ang ating mga mahal sa buhay.”

Ang mga frontliner lamang at essential workers na pinapahintulutang ng Inter-Agency Task Force gaya ng mga nagtatrabaho sa Navotas Fish Port Complex ang papayagang lumabas. Maaari ring lumabas kung may medical emergency.

“Para sa mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong residente  tulad ng pagkain, ang Brgy. Navotas West ang mamamahagi nito sa mga bahay-bahay.”

Nauna rito, 13 magkakapamilya ang nagpositibo rin sa COVID-19 sa Brgy. Sipac, Brgy. NBBS Dagat-dagatan, at Brgy. NBBS Kaunlaran.

“Sa panahon ngayon na laganap na ang virus ng COVID-19, hindi na natin sigurado kung sino ang maysakit. Merong mga walang sintomas at meron namang inaabot pa ng 14 araw saka nagpapakita ng sintomas. Kaya nga napakaimportante na sumunod sa mga patakaran para maiwasang mahawa.  Masakit man aminin, di natin alam kung ang mga miyembro ng ating pamilya o kahit tayo mismo ay may COVID-19.”

Read more...