Wag makulit: manicure, pedicure bawal pa

HINDI pinapayagan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang manicure at pedicure sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Ito ang sagot ng ahensya sa hirit ng mga may-ari ng salon na hindi lang sana limitahan sa paggugupit ng buhok ang ibigay na serbisyo sa mga kustomer.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, iniiwasan ng pamahalaan na magtagal sa loob ng isang establisimento ang mga kustomer para makaiwas sa Covid-19.

“Konting tiis muna para makamit ang layunin ng pamahalaan na maibaba ang kaso ng Covid-19 sa bansa,” aniya.

Sinabi naman ni Presidential spokesman Harry Roque na bawal pa rin ang sabong at karera ng mga kabayo.

“Sa pagpupulong kahapon, hindi pa rin po pinayagan ang horse racing. Ang sabong, ang pinagbabawal pa rin po,” ani Roque.

Bawal din sa mga lugar na nasa GCQ ang kids amusement industries, libraries, museums, cultural centers, tourist destinations, gaya ng beach at resort, travel agencies, pet grooming services, internet at computer shops. Pinapayagan naman ang 50 porsyento ng operasyon ng mga ito sa mga lugar na nasa modified enhanced community quarantine (MCGQ).

Simula noong Hunyo 1, isinailalim sa GCQ ang Metro Manila, Central Luzon, Cagayan Valley, Calabarzon, Central Visayas, Pangasinan, Zamboanga City, at Davao City habang ang natitirang bahagi ng bansa ay isinailalim sa MGCQ. –Radyo Inquirer

Read more...