4 pulis nagsoli ng napulot na P10K

Peso

APAT na pulis ang nagsoli ng P10,000 cash na kanilang napulot sa kalsada sa Quezon City.

Kinilala ang mga ito na sina PCpl Reynold Tarrayo, Pat Eddie Tomas, Pat Joey Metiam at Pat Evangelino Delgado.

Naglalakad umano ang apat alas-12:30 ng hapon nang napulot nila ang pera sa tapat ng Q-Kibbal NCR Cooperative Stall #2 sa Sitio Kislap st., East Fairview noong Linggo.

Nakakalat umano ang pera sa gutter.

Nagtanong-tanong ang mga pulis sa mga tao sa lugar upang mahanap ang may-ari.

Nagpasya na lamang ang mga pulis na mag-iwan ng kanilang numero sa kalapit na tindahan. Habang nagsusulat ay dumating si Roberto Aranda Jr., technical staff ng Zenshin System Corporation sa 25G Roxas Street, Brgy. San Jose, Quezon City.

Nagtanong umano ito kung may nakakita sa nalaglag niyang pera.

Nagtanong ang mga pulis at humingi ng ID. Tinanong din ito ng denomination ng nawawalang pera.

Nakumbinsi ang mga pulis na si Aranda ang nakahulog ng pera.

Nagpasalamat si Aranda sa mga pulis na miyembro ng 5th Mobile Force Company sa pagbabalik ng pera.

Pinuri naman ni NCRPO chief PMGen. Debold Sinas ang pagiging tapat ng mga pulis.

Read more...