Coco biglang tumahimik sa isyu ng pagpapasara sa ABS-CBN; dedma kay Calida

COCO MARTIN

HINDI na kumikibo ngayon si Coco Martin tungkol sa pagpapasarado ng ABS-CBN. 

Nu’ng mga unang araw lang siya naging bokal sa paglalabas ng kanyang saloobin.

    Aminado ang action star na galit na galit siya nu’ng mga panahong ‘yun kaya nadala siya ng kanyang emosyon. 

Makatwiran naman ang kanyang sinasabi, naaawa siya sa mga empleyado at artista ng network na mawawalan ng trabaho, nagmamalasakit lang siya sa kanyang mga kasamahan.

    Pero pinatulan siya ni Solicitor General Jose Calida, sa dami ng mga personalidad na nagpalutang ng kanilang damdamin tungkol sa pagkawala ng kanilang istasyon, si Coco lang ang sinentruhan nito.

    Ibinalik sa kanya ng SolGen ang matutulis na salitang binitiwan niya nu’ng una, lalo na ang linyang “Matagal n’yo nang tinatarantado ang mga Pinoy,” galit ang kanyang pinatungkulan dahil sa pagkakasarado ng ABS-CBN.

    May punto man si Coco Martin sa kanyang pagdedepensa sa kanyang network ay malaking leksiyon na rin sa kanya ang nangyari.

    Huwag magpapadala sa galit, huwag magpapatianod sa emosyon, para hindi siya naliligaw sa pakikipag-argumento.

    Magiging abala na si Coco sa mga darating na araw, magpapatuloy ang taping ng pinagbibidahan niyang Ang Probinsyano na mapapanood sa Kapamiya channel, gaganapin ang taping sa isang probinsiya na wala na silang alisan sa lugar hanggang sa matapos ang mga eksenang kailangan sa serye.

Read more...