BAHAGYANG nagkainitan sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at on good government sa prangkisa ng ABS-CBN 2 sina House Deputy Speaker Rodante Marcoleta at House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate.
Sa pagdinig, tinanong ni Marcoleta si Eugenio “Gabby” Lopez, chairman emeritus ng ABS-CBN, kung alam nito ang unang pangungusap sa Panatang Makabayan.
“Mawalang-galang na po Mr. Lopez, pwede ba naming hilingin sa inyo na i-recite ninyo yung unang linya ng Panatang Makabayan,” ani Marcoleta. “Unang linya lang.”
Hindi kaagad sumagot si Lopez at humirit si Marcoleta na “Cong. Zarate baka gusto mo nang tulungan?”
Sagot naman ni Zarate: “I take exception to the side comment of Cong. Marcoleta.”
Saad naman ni Marcoleta: “Baka lang gusto nyo nang tulungan?”
Sumagot naman si Zarate na: “I’ll have my own time.”
Sinagot naman ni Lopez ang tanong: “Iniibig ko ang Pilipinas”.
Sumunod na nagsalita si Zarate at ipinaalis ang komento ni Marcoleta sa rekord ng pagdinig. “I move to strike (out) the statement of Cong. Marcoleta.”
Sinabi naman ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, chairman ng House committee on good government, “ComSec (committee secretary) is directed to strike out the previous comment.”
Nagtanong naman si Marcoleta kung bakit kailangang alisin ang kanyang pahayag dahil nagtanong lamang ito kay Zarate.
Sagot naman ni Zarate: “I am not the one under interpellation Mr. Speaker.”
Si Zarate ay isa sa may-akda ng panukala na bigyan muli ng prangkisa ng ABS-CBN.
Sinuspendi ang pagdinig at pagbalik ay muling nagsalita ang ilang kongresista bago nagpatuloy sa pagtatanong si Marcoleta.
Sinabi ni Marcoleta na kinoach ng abugado si Lopez sa sagot nitong ‘Iniibig ko ang Pilipinas”. “Yun pong abugado ang nagbulong sa kanya….. just for the record Mr. Chair.”
Nagpatuloy si Marcoleta sa pagtatanong patungkol sa allegiance ng isang tao.
“Dapat Pilipino lang ang mag-may-ari at magpalakad sa mass media, sasabihin ko po sa inyo, ang mass media po kasi pag tagurian yan ay fourth estate, makapangyarihang po ang mass media kagaya po ng pagkakaalam din ng mga opisyales ng ABS-CBN kulang na lang po na ipantay sa tatlong bahagi ng ating pamahalaan kahit hindi po siya parte ng ating political system ito po ay nakakapag frame, nakakapagbalangkas ng mga political issues maimpluwensya po ito sa paglilinang ng kaisipan ng kaugalian, ng kultura ng ating bansa, kaya po ganon ang kautusan na ito (100 percent ownership), sapagkat kinakailangang masunod po natin yung huling linya naman ng Panatang Makabayan na maging Pilipino sa isip sa salita at sa gawa.”