Anti-terror bill bilang ‘urgent bill’ unconstitutional

AYON sa Article 6, Section 26 No. 2 ng Constitution, ang panukalang batas (bill) bago maging ganap na batas ay dapat dumaan sa mga sumusunod:

1. Ang panukalang batas ay dapat mapagtibay/maipasa sa first, second at third readings ng alin mang Kapulungan (either House – Senate or House of Representatives) sa magkakahiwalay na araw; at

2. Tatlong araw bago maganap ang pagpasa/pagtibay ng panukalang batas sa third reading, dapat naipamahagi na sa lahat ng miyembro ng Kapulungan ang final printed copies ng panukala.

Ang tanging exemption dito sa patakarang itinakda ng Constitution ay kapag ang Pangulo ay nag-isyu ng Presidential Certification na Urgent Bill para sa isang panukala.

Dito sa Presidential Certification, ang Pangulo ay nagpapatunay (certify) na kailangan ng madaliang pagsasabatas ng panukala upang matugunan ang isang pambayang kalamidad o kagipitan (when the President certifies to the necessity of its immediate enactment to meet a public calamity or emergency). Kapag nag-isyu at ginawa ng pangulo ito, ang patakaran na dapat dumaan, basahin at aprubahan ng bawat Kapulungan ang panukalang-batas sa magkakahiwalay na araw ay pwede nang hindi masunod o sundin.

Hindi na rin obligado ang miyembro ng Kapulungan na maghintay pa ng tatlong araw matapos mabigyan ng printed copies ng panukalang-batas bago sila magbotohan sa third reading.

Sa madaling salita, kung may Presidential Certification bilang urgent bill ang  isang panukala, ito ay maaaring basahin, dinggin at aprubahan ng bawat Kapulungan sa loob ng isang araw.

Ang magandang halimbawa nito ay ang Bayanihan Law na pinasa ng Kongreso sa loob ng isang araw dahil ito ay sinertipikahan ng Pangulo bilang isang urgent bill.

Kailan ba pupwedeng mag certify ang Pangulo na ang isang panukala ay urgent bill?

Sa Section 26 No. 2, Article 6 ng Constitution, sinasabi na ang Pangulo ay pwedeng mag certify (magpatunay) sa pangangailangan ng madaliang pagsasabatas ng isang panukalang-batas upang matugunan ang isang pambayang kalamidad o kagipitan.

Malinaw rito sa provision na ito na ang dahilan para mapabilis sa pagsasabatas ang panukalang-batas ay para tugunan ang isang pambansang kalamidad o kagipitan (national calamity or emergency).

Sa madaling salita, ang pagce-certify ng isang panukalang-batas bilang Urgent Bill ay dapat may sapat na dahilan na itinakda ng Constitution at ito AY UPANG PABILISIN MAGING BATAS (ang isang panukalang-batas) PARA HARAPIN AT LABANAN ANG PAMBAYANG KALAMIDAD AT KAGIPITAN.

Ang ganitong provision ay makikita rin sa 1973 Constitution. Bagamat pinapayagan din ang Pangulo sa 1935 Constitution na mag-isyu ng Presidential Certification bilang urgent bill ang isang panukalang-batas, hindi naman nakalagay dito na maaari lamang gawin ito ng Pangulo upang matugunan ang isang pambayang kalamidad o kagipitan.

Sinertipikahan noon ng Pangulo bilang urgent bill ang panukala na ngayon ay Bayanihan Law. Walang duda ang nasabing Bayanihan Law ay isang urgent bill dahil umiiral ang isang pambayang kalamidad at kagipitan (public calamity or emergency) dulot ng Covid-19 pandemic. Kailangan maisabatas agad ang Bayanihan Law sa panahon noon para harapin at labanan ang isang pambayang kalamidad at kagipitan.

Noong June 1, 2020 ang Anti-Terror Bill ay sinertipikahan ng Pangulo bilang isang “Urgent Bill”. Dahil dito naipasa sa Kamara (House of Representatives) ang nasabing panukalang-batas noong June 3, 2020 na hindi na dumaan sa tinakda ng Constitution, gaya ng pag-apruba nito ng tatlong araw na magkakahiwalay at pagbigay ng final printed copy tatlong araw bago mag 3rd reading.

May umiiral ba ngayong pambansang kalamidad o kagipitan para mag certify ang Pangulo na ang Anti-Terror Bill ay isang urgent bill?

Bakit hindi nag certify ang Pangulo noon 2019 na ito ay isang ” urgent bill” ng ito ay unang sinampa sa Senado?

Pwede bang mag certify na lang ang Pangulo na ang isang panukalang-batas ay isang “urgent bill” maski walang dahilan at hindi naaayon sa tinakda ng Constitution?

Maaaring may umiiral ngayon na isang pambansang kalamidad o kagipitan dulot ng Covid-19 crisis, pero ito ba ay konektado sa isinusulong na anti-terror bill at kailangan mapabilis ang pagsasabatas na ito?

Tanging ang Korte lamang ang makakasagot ng mga ito.

Read more...