DELETED na ang official Instagram page ng Teleserye King na si Coco Martin.
Hindi na mahanap ngayon ang verified IG account ng “Ang Probinsyano” lead star
(@mr.cocomartin) na may more than 3 million followers na.
Kaya naman kanya-kanyang ispekulasyon ang netizens kung bakit wala na ang IG page ng award-winning actor. Iisa ang pinupunto ng kanilang tanong: Bakit bigla itong nawala? May kinalaman kaya ito sa matatapang na pahayag ni Coco sa ginawang pagpapasara sa ABS-CBN?
Kung hindi kami nagkakamali, huling nag-post ang Kapamilya actor sa kanyang IG account noong May 26, ilang oras matapos ang unang hearing ng Kongreso tungkol sa ABS-CBN franchise.
Ani Coco sa kanyang caption, “Lalaban kami at maninindigan!!!” na sinundan pa niya ng, “Lumaban para sa karapatan at manindigan para bayan!!!”
Kung matatandaan, isa si Coco sa mga matatapang na celebrities na naglabas ng kanilang saloobin sa pagpapasara sa ABS-CBN matapos ilabas ang cease and desist order mula sa National Telecommunications Commission (NTC).
Hugot ni Coco laban sa mga taong nasa likod umano ng pagpapasara sa Dos, “Kasi kung mananahimik tayo, aabusuhin tayo!
“Para tayong batang kinotongan, at pagkatapos kapag nagkita kayo, anong expect natin?
“Kasi ito na yung pagkakataon natin. Wala na tayong trabaho! Anong iniingatan natin?!
“Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako nang patayan sa ‘yo! Kahit patayin niyo pa ako!”
“Maraming salamat Solicitor Joe Calida at sa bumubuo ng NTC sa kontribusyon ninyo sa ating bayan. Tinarantado ninyo ang mga Pilipino,” aniya pa.
May mga netizens ang nagsabi na nag-deactivate ng IG account ang aktor matapos ang ikalawang hearing ng Kongreso para sa ABS-CBN franchise kung saan binanatan siya ni Solicitor General Jose Calida.
Bahagi ng pahayag ni Calida sa ginanap na hearing, “One of the more prominent stars who spoke against the government is Coco Martin.
“He said in a social media post addressed to me that and I quote, ‘Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako ng patayan sa iyo kahit patayin mo pa ako.'”
“He feels that he can solve problems the same way as he solves them on screen with macho bluster and bravado.
“Allegedly he has apologized for his tantrums. Coco Martin’s outburst showed a clear lack of understanding of the situation,” sabi pa ng SolGen.
Aniya pa, “If I had not been the Solicitor General, I would have called his bluff and make him eat his words.”
Marami ang nagkomento na mukhang may kinalaman nga sa banat ni Calida ang biglang pagkawala ng IG account ng aktor kung saan niya ipinost ang kanyang matatapang na pahayag para ipagtanggol ang ABS-CBN.