DUDA si dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio sa kakayahan ni dating presidential adviser for ICT Ramon ‘RJ’ Jacinto na pumalit sa kanya sa ahensya.
Itinalaga ni Pangulong Duterte si Jacinto bilang bagong DICT undersecretary noong Mayo 22, ang parehong araw na tinanggap ng Malacanang ang pagbibitiw ni Rio.
Sa isang Facebook post, kinuwestiyon ng dating opisyal ang kuwalipikasyon ni Jacinto base sa Section 11 ng Republic Act 10844, ang batas na lumikha sa DICT.
Sa ilalim ng probisyon, ang DICT secretary, undersecretary, at assistant secretary ay kailangang may hindi bababa sa pitong taon na kagalingan at kadalubhasaan sa mga sumusunod na larangan: information and communications technology, information technology service management, information security management, cybersecurity, data privacy, e-commerce, o maging sa human capital development sa ICT sector.
Giit ni Rio, ang kakayahan ni Jacinto ay “ipinilit sa maling posisyon.”
“Section 11, RA 10844 (DICT Law) is like the glass slipper of Cinderella. Some insists it fits them, forcing their feet in until it shatters,” dagdag nito sa kanyang FB post.
Matatandaan na dati nang nagbanggaan sina Rio at Jacinto sa common tower policy ng gobyerno.
Kinontra ni Rio, na dating military general at chief ng National Telecommunications Commission (NTC), ang rekomendasyon ni Jacinto na dalawang common tower providers lamang ang papayagan ng pamahalaan sa unang apat na taon ng implementasyon nito.
Iginiit ni Rio na taliwas ito sa prinsipyo ng Konstitusyon laban sa monopolyo.
Sa isang pagdinig ng Senado, tinawag pa ng dating DICT undersecretary na “misleading” ang impormasyong tinukoy ni Jacinto para mapalakad ang kanyang argumento na limitahan lamang sa dalawa ang common tower providers sa bansa.